MANILA, Philippines- Mistulang sinasabotahe ng prosecution team ng Kamara ang sarili nitong Article of Impeachment na inihain sa Senado hinggil sa pagpapadala ng writ of summons kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Nitong Huwebes, ipinagtanggol ni Escudero ang desisyon ng Senado na tanggihan ang kahilingan ng prosecution team na magpalabas ng summons kay Duterte upang sagutin ang articles of impeachment.
Sa panayam, sinabi ni Escudero na ilegal ang pagkilos dahil hindi pa nabubuo ang Impeachment Court.
“Gusto nila gumawa kami ng isang bagay na ilegal. Kaya ibabalik ko na lang ang katanungan sa kanila dahil nakakapagod na. Gusto ba talaga nilang isabotahe yung impeachment na finafile nila kaya gusto nilang mangyari to? ” ayon kay Escudero.
“Kasi yun ang tanging paliwanag na nakikita ko para gustuhin nila ito na klaro naman na nakalagay sa batas,” dagdag niya.
Muling iginiit ni Escudero na maaari lamang na magpadala ng summons kay Duterte kapag may sesyon at pagkatapos ma-endorso ang articles of impeachment sa plenaryo at mabuo ang impeachment court.
“Ang klaro klaro at ang liwa-liwanag. Sa totoo lang nauubusan na ako ng pasensya kakapaalala. Pare-pareho naman kaming mga kongresista na marunong magbasa ng batas at hangga’t walang sesyon, hindi kami pwede mag-convene,” wika ng senador.
Naunang ikinatuwiran ni House prosecutor at Iloilo Representative Lorenz Defensor na legal ang prosesong pagpapadala ng summons kay Duterte na sagutin ang Articles of Impeachment.
“Lagi naming irerespeto ang Senate president as the presiding judge ng impeachment court. At gagawa lang kami ng prosesong mga legal based on the existing Senate rules of impeachment,” ayon kay Defensor.
“Wala kaming gagawing wala sa legal na pamamaraan, at igagalang namin, kasi katulad nga ng sinabi ko, ang isang judge sa isang trial court. Hindi mo naman pwede basta-basta mangbraso ka. You always have to respect,” dagdag niya.
Ngunit, sinabi ni Escudero na kapag ipinilit ng Kamara ang pagmamadali sa impeachment process, maaaring magbukas ng ilang katanungang legal mula sa kampo ni Duterte.
“Paalala sa mga miyembro ng Kamara na gigil na gigil i-impeach si Vice President Sara, baka sa kakamadali lalo lang nilang binibigyan ng armas ang Vice President na kwestyunin ang proseso,” ayon kay Escudero.
Naunang inihain ng House prosecution panel ang isang mosyon na mag-isyu ng summons ang Senado na inaatasan ang Vice President na sagutin ang articles of impeachment sa loob ng 10 kapag natanggap ang writ of summons.
Ibinasura ito ni Escudero na magagawa lamang ang anumang bagay sa proseso ng impeachment kung naitayo na ang impeachment court. Ernie Reyes