Home METRO Pulis na sangkot sa away-trapiko sinampahan na ng kaso

Pulis na sangkot sa away-trapiko sinampahan na ng kaso

MANILA, Philippines- Sinabi ni QCPD Acting Director, PCOL Melecio Buslig, Jr.  na sinampahan na ng patong-patong na kaso ang pulis na sangkot sa insidente ng road rage na nauwi sa pamamaril at pagkamatay ng isang motorista bandang alas-6:30 ng gabi noong Marso 20, 2025, sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Old Balara, Quezon City.

Ayon kay PMAJ Don Don M Llapitan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), kinilala ang suspek na si PEMS Randy Enano Tuzon, 48 taong gulang at residente ng Brgy. Kaligayahan, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng CIDU, minamaneho ng biktimang si Ronnie Casero Borromeo, 42 taong gulang, kasama si Reynaldo Hagos, 51 taong gulang, ang isang Mitsubishi L300 nang umano’y ginitgitan sila ng isa pang L300 van na minamaneho ng isang pulis na nakatalaga sa Batasan Police Station (PS 6).

Bunsod nito, sa gitna ng gitgitan ng sasakyan ay bumaba ang suspek at nilapitan niya sina Borromeo at Hagos upang komprontahin subalit sa gitna ng kanilang pagtatalo, kumuha umano si Borromeo ng bakal at ipinalo sa suspek, kaya agad naman itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga biktima.

Matapos ang insidente ay kusa namang sumuko ang suspek sa mga pulis na nakatalaga sa Commonwealth Avenue kasabay ang pagbigay ng baril na kanyang ginamit.

Samantala, naisugod si Hagos sa East Avenue Medical Center para sa medical treatment, habang si Borromeo ay dinala sa Diliman Hospital ngunit idineklarang patay bandang alas-8:05 ng gabi sa parehong araw.

Sa isinagawang forensic examination, natukoy na nagtamo si Borromeo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang si Hagos ay nagtamo ng tama sa kaliwang balakang at hita. Narekober naman mula sa crime scene ang pitong (7) basyo ng bala at isang (1) fired bullet.

Sinabi sa ulat na ang suspek ay sinampahan na ng kasong Murder; Frustrated Murder; at paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at B.P. 881 (Omnibus Election Code) alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11067 kahapon, Marso 22, 2025. Santi Celario