MANILA, Philippines – Mahigit 3,000 mahihinang at sunod-sunod na lindol ang naitala sa southern Mindanao mula 2025 hanggang Enero ngayong taon, ilang buwan bago tumama ang magnitude 7.8 na lindol noong Lunes, ayon sa mga siyentipiko ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
“Very timely ‘yung paglabas namin ng study. Kasi we are talking about the same trench eh,” ayon kay PHIVOLCS science research specialist Deo Carlo Llamas, inilabas nila noong Mayo 15 ang pag-aaral tungkol sa Cotabato Trench.
“Sana ‘yung study namin naipakita namin sa publiko na ‘yung Cotabato Trench even though na ang last na magnitude, malakas na magnitude na prinoduce nito ay noon 1976 ay still active,” aniya.
Tinukoy ni Llamas ang magnitude 8.1 na Moro Gulf earthquake noong 1976, na itinuturing na isa sa pinakamapaminsalang lindol sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nilinaw ni Llamas na magkaiba ang bahagi ng Cotabato Trench na gumalaw sa magnitude 7.8 na lindol at ang bahaging may naitalang earthquake swarm sa kanilang pag-aaral.
“‘Yung nangyaring swarm nasa northern segment ng Cotabato Trench at ‘yung nangyaring magnitude 7.8 recently ay mas southern part pa no, nasa third part ng Cotabato Trench,” aniya.
“Pero based sa study namin, ‘yung pinapakita lang kasi namin sa study namin na aktibo ang Cotabato Trench.”






