MANILA, Philippines – Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian noong Miyerkules na nalagdaan na niya ang payroll checks ng mga empleyado ng Senado sa kabila ng nagpapatuloy na sigalot sa liderato ng kapulungan.
Sa kanyang Facebook post, sinabi niya na nilagdaan na ang payroll checks sa Land Bank of the Philippines at inaprubahan na rin ang pagpapalabas ng mga sweldo at benepisyo ng mga kawani ng Senado.
Dagdag pa niya, kinilala na siya ng mga financial institution bilang authorized signatory para sa mga financial transaction ng Senado.
Nauna nang tiniyak ni Gatchalian na hindi maaapektuhan ang suweldo at benepisyo ng humigit-kumulang 2,000 empleyado ng Senado sa gitna ng leadership dispute nila ni Senator Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Gatchalian, nalagdaan na rin niya ang automatic debit arrangement (ADA) ng Senado sa state bank at ang pag-apruba sa promosyon ng ilang empleyado.
Patuloy pa rin ang hidwaan sa liderato ng Senado sa pagitan ng grupong pinamumunuan ni Gatchalian at ng kampo ni Cayetano. Bagamat nagmungkahi si Cayetano ng power-sharing arrangement upang mapanatiling maayos ang operasyon ng Senado, tinanggihan ito ni Gatchalian.
Ayon kay Gatchalian, magpapatuloy ang trabaho ng Senado at ang pagtupad nito sa mga obligasyon sa mga empleyado sa kabila ng mga usaping pampulitika. RNT/MND