Home NATIONWIDE Pag-aampon, pagiging foster parents, bukas sa solo parents, LGBTQIA+

Pag-aampon, pagiging foster parents, bukas sa solo parents, LGBTQIA+

3
0

MANILA, Philippines – Hinihikayat ng Regional Alternative Child Care Office for Western Visayas (RACCO-6) ng National Authority for Child Care ang mga solo parent at miyembro ng LGBTQIA+ community na mag-apply bilang adoptive o foster parents.

Sa isang media forum, sinabi ni RACCO-6 head Janice Brasileño na hindi lamang tradisyunal na pamilya ang kinikilala ngayong Adoption and Child Care Week kundi lahat ng uri ng pamilya.

Ayon sa kanya, hindi lang childless married couples ang maaaring mag-ampon o maging foster parents. Bukas din ang programa para sa mga solo parent at LGBTQIA+ members na nais magbigay ng tahanan sa mga bata.

Binigyang-diin ni Brasileño na ang mahalaga ay ang kakayahang magbigay ng ligtas, matatag, at mapagkalingang tahanan, anuman ang sexual orientation o gender identity ng aplikante.

Kailangan lamang na ang aplikante ay Pilipino, may buong civil at legal rights, may mabuting asal, at walang hatol sa mga krimeng may kinalaman sa moral turpitude.

Mula 2023, nakatanggap ang RACCO-6 ng 189 adoption petitions sa Western Visayas at Negros Occidental sa ilalim ng Republic Act 11642. Sa bilang na ito, 128 na ang nabigyan ng order of adoption. Dalawampu’t lima rito ay mula sa mga single petitioner at 164 naman mula sa mga mag-asawa.

Patuloy din ang kampanya ng opisina para sa mga may simulated birth records na samantalahin ang amnestiya sa ilalim ng Republic Act 11222 o Simulated Birth Rectification Act. Ang pag-aayos ng mga ganitong rekord ay maaari lamang hanggang Marso 29, 2029.

Ayon kay Brasileño, mahalagang mapalakas ang karapatan ng bawat bata na magkaroon ng pamilya. Aniya, ang family-based care ang pinakamainam para sa maayos na paglaki at pag-unlad ng bata, habang ang institutional care ay dapat manatiling huling opsyon at pansamantalang solusyon lamang. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here