MANILA, Philippines – Inihain sa House of Representatives ang House Bill No. 9841 o Comprehensive Nursing Law of 2026, na naglalayong gawing ₱50,000 ang entry-level salary ng mga nurse at pagandahin ang kanilang kalagayan sa trabaho.
Ang panukala ay inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago, at Kabataan Party-list Rep. Renee Co.
Ayon kay Tinio, nakabatay umano ang kasalukuyang sistema sa pagsasamantala sa mga nurse habang kulang naman ang mga healthcare worker sa mga ospital sa bansa.
Layunin ng panukala na palitan ang Republic Act No. 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 at tugunan ang mababang sahod, hindi tiyak na trabaho, at mapanganib na kondisyon sa pagtatrabaho ng mga nurse.
Bukod sa ₱50,000 na panimulang sahod para sa mga nurse sa pampublikong sektor, hinihingi rin ng panukala ang katumbas na pagtaas ng sahod sa pribadong sektor. Sa kasalukuyan, nasa humigit-kumulang ₱40,208 kada buwan ang entry-level salary ng mga nurse sa gobyerno.
Ipinagbabawal din ng panukala ang contractualization sa mga ospital at inaatasan ang direktang pagkuha at pagbibigay ng security of tenure sa lahat ng nurse sa pampubliko at pribadong sektor.
Itinatakda rin ng panukala ang ligtas na nurse-to-patient ratio, gaya ng isang nurse para sa anim na stable na pasyente sa general wards at isang nurse para sa isang pasyente sa intensive care unit (ICU).
Ayon sa datos na binanggit ni Tinio, mahigit 316,000 Pilipinong nurse na ang nagtrabaho sa ibang bansa, habang halos 125,000 naman ang walang trabaho, kulang sa trabaho, o tuluyan nang umalis sa propesyon. Sa mga nurse na nagtatrabaho sa bansa, mahigit 106,000 ang nasa pribadong ospital at marami umano ang tumatanggap lamang ng mababang sahod.
Kasama rin sa panukala ang pagpapalakas ng Board of Nursing, pagpapabuti ng nursing education, at pagbibigay ng mas malinaw na oportunidad para sa career growth at professional development ng mga nurse.
Nanawagan si Tinio na agad maipasa ang panukala, na ilang beses na ring naihain sa mga nakaraang Kongreso, upang matugunan ang lumalalang kakulangan at suliranin ng mga nurse sa bansa. RNT/MND