MANILA, Philippines- Pinanindigan ng Malakanyang ang posisyon nito na hindi kinikilala ng gobyerno ng Pilipinas ang hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa bansa.
Nauna rito, sinabi kasi ni ICC Spokesman Fadi El Abdallah na kailangang tanggapin ng Pilipinas ang mga teknikal na kondisyon upang isaalang-alang ng mga hukom ang kahilingan para sa interim release ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Kailangan kasing makipagkasundo ang isang estado sa mga itinakdang kondisyon bago aprubahan ang pansamantalang paglaya.
Bagama’t wala pang pormal na aplikasyon, sinabi ng lead counsel niyang si Nicholas Kaufman na maghahain sila ng petisyon sa tamang panahon.
“An interim release can be requested if there is a possibility to put in place measures and conditions to ensure that if a person is released, none of that would happen, and that this person will be brought again before the court if the judges order,” ang sinabi ng tagapagsalita ng ICC.
”With that, does it mean that we have to recognize that ICC has jurisdiction over the Philippines? I believe the family of former President Duterte is asking and praying from the Supreme Court that the government should not cooperate with the ICC. So, it means that if we will not cooperate with the ICC, even that prayer or even that manifestation of the ICC, we will not recognize as of that,” ang sinabi naman ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
”Though it’s hypothetical, but as we speak now, we do not recognize the jurisdiction of the ICC over the Philippines. So, that’s it,” dagdag na wika nito.
Bukod dito, sinabi pa ni Castro na maaari ring mabuksan ang ibang usapin kung pipiliin ng Pilipinas na makipagtulungan sa ICC kaugnay sa naturang usapin.
”Although, that’s hypothetical, sasabihin natin na makikipag-cooperate tayo sa ICC pagdating po sa interim release dahil lahat po ng isyu diyan ay mabubuksan. Mabubuksan din po kung magkakaroon ng freeze order sa kaniyang mga assets,” ang wika ni Castro.
”Gugustuhin po ba din ng pamilya Duterte na makipag-cooperate tayo sa ICC para lahat ng kanilang assets, nakatago man o hindi nakatago, ay makikipagtulungan tayo sa ICC para mahagilap lahat ng kanilang assets,” ang tinuran pa rin nito.
Samantala, sinabi ni ICC Spokesman Fadi El Abdallah na nakadepende sa desisyon ng gobyerno ng Pilipinas ang anumang posibilidad ng pansamantalang paglaya at pagbabalik sa bansa ni dating Pangulong Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.
Dinala si Duterte sa ICC Pre-Trial Chamber I noong Marso 14 para pormal na pakinggan ang mga akusasyon laban sa kanya. Nakatakda ang confirmation of charges hearing sa Setyembre 23, ngunit inaasahang magsusumite siya ng hiling para sa interim release bago ang nasabing petsa. Kris Jose