WASHINGTON, USA – Muling naglunsad ng mga pag-atake ang Estados Unidos laban sa Iran noong Miyerkules, kasabay ng pahayag ni US President Donald Trump na “hit them hard” matapos mabigo ang usapang pangkapayapaan sa gitna ng mahigit tatlong buwang digmaan.
Ayon sa US Central Command, nagsagawa ang pwersa ng Amerika ng mga “self-defense strikes” laban sa ilang target sa Iran bilang tugon sa umano’y patuloy na agresyon ng Tehran.
Iniulat ng Iranian media ang mga pagsabog sa timog ng bansa malapit sa Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng langis sa mundo.
Nagbabala si US Defense Secretary Pete Hegseth na posibleng may ikatlong alon pa ng mga airstrike na magiging “strong” at “clear.”
Sinabi rin ni Trump na “We hit them hard yesterday. We’re going to hit them again hard today,” at iginiit na malapit na sana ang isang kasunduan ngunit hindi ito natuloy dahil sa Iran.
Sa gitna ng tensyon, nanawagan ang United Nations ng pagpigil upang maiwasan ang “full war.”
Tinanggihan naman ng Iran ang pagbabanta ng US, at iginiit ng kanilang UN ambassador na walang pangmatagalang kasunduan na makakamit sa pamamagitan ng pananakot o puwersa.
Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang diplomasya matapos bumisita ang mga tagapamagitan mula Qatar sa Tehran upang subukang ayusin ang natitirang hindi pagkakaunawaan.
Umiigting ang alalahanin sa rehiyon dahil sa epekto ng labanan sa suplay ng langis, pandaigdigang merkado, at seguridad sa mga kalapit-bansa sa Gulf, habang nagpapatuloy din ang palitan ng atake at depensa sa iba’t ibang lugar sa Gitnang Silangan. RNT/MND