Home NATIONWIDE Proseso para sa mga lehitimong importer, pinabilis ng BOC

Proseso para sa mga lehitimong importer, pinabilis ng BOC

1
0

MANILA, Philippines – Nagpatupad ng panibagong reporma si Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno upang pabilisin at pasimplehin ang accreditation process para sa mga lehitimong importer at customs broker sa bansa.

Bahagi ng hakbang ang paglipat ng Accounts Management Office (AMO) sa ilalim ng Post Clearance Audit Group (PCAG), na naging epektibo noong Hunyo 5, 2026. Layunin nitong gawing mas episyente ang pagproseso ng mga aplikasyon habang pinananatili ang mahigpit na pagbabantay laban sa mga posibleng paglabag sa customs regulations.

Sa ilalim ng bagong sistema, mananatiling responsable ang AMO sa accreditation ng mga importer at customs broker, kabilang ang kanilang pagpaparehistro sa Customs-Client Profile Registration System (CPRS). Mas paiigtingin din nito ang pagsusuri sa mga account gamit ang risk-based assessment at profiling.

Ayon kay Nepomuceno, nakatuon ang reporma sa pagbibigay ng mas mabilis at maayos na serbisyo sa mga lehitimong negosyante nang hindi isinasakripisyo ang integridad ng operasyon ng ahensya.

“Ang layunin ng pagbabagong ito ay gawing mas mabilis, mas simple, at mas maayos ang proseso ng accreditation para sa ating mga lehitimong importers,” ani ng komisyoner.

Naniniwala ang BOC na sa pamamagitan ng mas pinagsama-samang sistema, mapapabilis ang pagproseso ng registration, renewal, suspension, at cancellation ng mga account habang mas napapalakas ang compliance monitoring.

Ang hakbang ay bahagi ng mas malawak na modernisasyon at reform agenda ni Nepomuceno na naglalayong palakasin ang pananagutan sa loob ng ahensya, sugpuin ang mga iregularidad, at gawing mas madali ang pakikipagtransaksyon ng mga lehitimong stakeholder sa Bureau of Customs. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here