Home NATIONWIDE Protect Committee pinabubuhay ni Bam vs ‘Super El Nino

Protect Committee pinabubuhay ni Bam vs ‘Super El Nino

1
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senator Bam Aquino kay Senate President Sherwin Gatchalian na muling buhayin ang Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee upang matiyak ang sama-samang pagkilos at paghahanda ng pamahalaan laban sa epekto ng “Super El Niño.”

Maaaring magdulot ang “Super El Niño” ng mas mababang antas ng pag-ulan at tagtuyot sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na posibleng lumala ang epekto pagsapit ng huling bahagi ng 2026 hanggang sa unang bahagi ng 2027.

“May I respectfully request the reconvening of the Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee to assess and align government preparations.” wika ni Aquino sa kanyang liham kay Gatchalian.

Binuo ng Senado ang PROTECT Committee, na pinamumunuan ni Gatchalian, noong Marso 2026 upang magbalangkas ng mga pagkilos para tugunan ang mga epekto ng gulo sa Middle East sa supply ng langis at ekonomiya ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Aquino ang agarang pangangailangan para sa koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno sa kanilang mga paghahanda, pagtugon, at pagkilos upang maprotektahan ang mga Pilipino mula sa posibleng epekto ng Super El Niño, partikular sa kabuhayan, edukasyon, agrikultura, kalusugan, seguridad sa pagkain, MSMEs, at mahahalagang serbisyo.

“Dapat siguruhing iisa ang pagkilos ng ating pamahalaan at mga kaukulang ahensiya para matiyak na protektado ang ating mga kababayan at mga mahalagang sektor sa inaasahang epekto ng Super El Nino,” wika ni Aquino, chairperson ng Committees on Basic Education, Trade, Commerce, and Entrepreneurship, at Science and Technology.

“Makatutulong ang PROTECT Committee upang masigurong magkakaugnay ang mga hakbang ng bawat ahensya at handa ang pamahalaan na magpaabot agarang ayuda at tulong sa mga maliliit na negosyo, magsasaka, mangingisda, at mga manggagawang maaapektuhan nito,” dagdag pa niya.

“Ngayong may mga ulat nang tataas ang presyo ng kuryente, kailangan tukuyin kung ano ang gagawin natin para masiguro ang supply at tuluyang maibaba ang singil sa ating mga kababayan?” wika pa ni Aquino.

Ayon sa Senador, kailangang patuloy na magbigay ng tulong ang pamahalaan sa mga barangay at komunidad na maaaring makaranas ng kakulangan sa tubig dahil sa mga epekto ng El Niño.

Sinabi ni Aquino na dapat maglatag ang Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) ng mga hakbang upang maprotektahan ang mga estudyante at guro mula sa matinding init at matiyak ang pagpapatuloy ng pag-aaral sakaling magkaroon ng mga pagkaantala o kanselasyon ng klase.

Nais din niyang ilahad ng Department of Agriculture (DA) ang mga plano nito upang maprotektahan at masuportahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa epekto ng tagtuyot, at matiyak ang sapat, matatag, at abot-kayang supply ng pagkain.

Nanawagan din si Aquino sa Department of Trade and Industry (DTI) na maghanda ng mga hakbang upang matulungan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs), partikular ang mga negosyong nakabatay sa agrikultura, na harapin ang mga posibleng pagkaantala sa operasyon, pagtaas ng gastusin sa mga input, at kakulangan sa supply.

“Alamin natin kung anong mga agarang ayuda at tulong ang maibibigay sa mga maliliit na negosyo, magsasaka, mangingisda, at mga manggagawang maaapektuhan nito,” wika ni Aquino.

“Sa gitna ng inaasahang mainit na panahon, mabuting ihanda ng Department of Health (DOH) ang ating mga ospital at health centers sa pagtaas ng heat-related illnesses at iba pang panganib sa kalusugan,” dagdag pa niya.

Ayon kay Aquino, dapat tiyakin ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga serbisyong pangkomunikasyon na maaaring kailanganin ng mga estudyante, guro, magsasaka, MSMEs, at mga komunidad.

Samantala, dapat magbigay ang Department of Science and Technology (DOST) ng pinakabagong scientific data, mga pagtataya, early-warning information, at mga teknolohikal na solusyon na makatutulong sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na komunidad na mapalakas ang kanilang paghahanda at epektibong makatugon sa mga posibleng epekto ng Super El Niño, ayon sa Senador.

Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga kaukulang ahensya sa ilalim ng PROTECT Committee, sinabi ni Aquino na mabilis na matutukoy at matutugunan ang mga posibleng kakulangan sa kahandaan ng pamahalaan, upang matiyak na nakahanda ang mga kinakailangang pagkilos. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here