MULING binigyang-diin ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang pangangailangan na pagtibayin ang proteksyon ng mga kababaihan laban sa paghihimagsik at karahasan bilang ang buong mundo ay nagdiriwang ng International Women’s Day.
Sa isang prerecorded video, sinabi ni VP Sara na mahalaga na pag-usapan ang mga seryosong usapin kung saan nalalagay sa panganib ang buhay at kapakanan ng mga kababaihan.
“Isaisip natin si Dr. Sharmaine Baroquillo na isang kawani ng pamahalaan na biktima ng karahasan at ang abogadang kasapi ng New People’s Army na namatay sa Bohol habang pinaglalaban ang bulok na ideolohiya ng terorismo at pagpapabagsak sa pamahalaan,” ayon kay VP Sara.
Si Baroquillo di umano’y binaril ng tatlong kalalakihan sa Buluan, Maguindanao del Sur habang patungong Sultan Kudarat Provincial Hospital noong Pebrero 3.
Sa isang armed encounter sa tropa ng gobyerno sa Bilar, Bohol noong Pebrero 23, nasawi naman ang di umano’y NPA member na si Hannah Joy Cesista (alyas Maya o Lean).
“Nariyan din ang mga ina ng mga kabataang inarmasan at biktima ng panlilinlang ng NPA na hanggang ngayon ay nawawala o di kaya umuwi na wala ng buhay,” dagdag na pahayag ni VP Sara.
Idagdag pa rito, binanggit din ni VP Sara ang sakripisyo ng mga kababaihang miyembro ng pamilya na naging security frontliners.
“Huwag din nating kalimutan ang mga ina, asawa, o kapatid ng mga pulis at sundalong nagbuwis ng buhay para matiyak lang na ligtas tayo at ang ating bayan,” aniya pa rin sabay sabing “true support for women entails equal opportunities, freedom to choose and excel in their avenues, access to education, and protection for the foundation of Filipino families, among others.”
“Isulong natin ang sapat at angkop na edukasyon para sa publiko. Tulungan ang mga grupong tunay na tagapagtanggol ng karapatan at kapakanan ng mga kababaihan. Suportahan natin ang mga batas para sa kababaihan,” ayon pa rin kay VP Sara.
Samantala, pinuri naman ng Department of Education (DepEd) ang naging kontribusyon ng mga kababaihan sa lipunan.
“Ensuring women’s and girls’ rights across all aspects of life is the only way to secure a prosperous and just economies and a healthy planet for future generations,” ang pahayag ng DepEd sa isang kalatas.
Ang pagdiriwang ngayong taon ng International Women’s Day ay may temang “Investing in Women: Accelerate Progress,” na may layuning isulong para sa pagsasakatuparan ng “decent work and gender equality” sa lahat ng sektor. Kris Jose