MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Risa Hontiveros dapat bigyan ng sapat na proteksyon ang lahat ng jeepney drivers at operator na tumupad sa consolidation scheme ng pamahalaan upang hindi sila madehado sa gitna nang panawagan ng suspensiyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni Hontiveros na kanyang inaalala ang sitwasyon ng drayber at operator na tumutupad sa consolidation scheme kaya hindi siya lumagda sa Senate Resolution 1096, na nanawagan ng suspensyon ng programa.
Lumagda ang lahat ng senador maliban si Hontiveros sa resolusyon nitong Hulyo 30.
“Pumasok na sila sa programa, nag-apply na sila sa loan sa bangko, simulan na nilang i-dismantle ‘yung mga lumang jeepney nila. Huwag naman silang madehado, di ba? Kasi sumunod na sila eh, pumasok na sila at nagsimula na silang mag-comply,” ayon sa senador.
Sinabi ni Hontiveros na lalagda siya kung maglalagay ng amendments sa resolusyon na tutugon sa kanyang alalahanin.
“Ipu-put on record ko ‘yun, ipo-propose ko ‘yung amendments, hopeful ako na tatanggapin ni Chair Raffy [Tulfo]. Pipirmahan ko rin naman ‘yung resolution basta may ganung mga improvements,” paliwanag niya.
Isang yugto ang consolidation ng PUVMP kung saan kailangang sumali ang drayber at operator sa kooperatiba o magtayo ng panibagong korporasyon sa loob ng dalawa hanggang tatlong taon at palitan ang kanilang sasakyan ng modernong jeep na mas ligtas at hindi nagbubuga ng maraming usok.
Sa sistema ng kooperatiba, maaari silang makakuha ng pautang sa bangko at makatanggap ng subsidiya sa gobyerno mula P200,000 hanggang P300,000 kada sasakyan upang paluwagin ang kanilang bayarin.
Umabot na sa mahigit 83% ng kabuuang bilang ng drayber at operator ang tumupad na sa consolidation scheme nitong Abril 30.
Kamakailan, pinulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang ilang lider ng tinaguriang “magnificent 7” na tumupad sa konsolidasyon. Tiniyak din ni Escudero na kanyang pupulungin ang tumututol sa programa upang ipaliwanag ang resolusyon. Ernie Reyes