MANILA, Philippines — Naglabas ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng cease-and-desist order laban sa mga proyektong konektado sa umano’y ilegal na reclamation sa bahagi ng Laguna de Bay sa Taguig City, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon nitong Linggo.
“We already issued, as ordered by the Office of the President through the Philippine Reclamation Authority, kasi ang PRA under the Office of the President … so nag-issue na kami nung August 20,” ayon kay Dizon.
Sinabi rin ni Dizon na nagpatawag na ng meeting ang mga concerned stakeholders, kabilang ang Taguig City government, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Philippine Reclamation Authority (PRA) upang pag-usapan ang mga posibleng problema sa mga proyekto.
“I think nagpatawag na ng meeting ang iba’t ibang stakeholders, kasama na ang City of Taguig plus MMDA and PRA. Let’s just discuss it kung meron bang problema dyan,” dagdag niya.
Samantala, nanawagan si Senator Panfilo Lacson ng imbestigasyon sa mga kuwestiyonableng proyekto sa bahagi ng Laguna Lake sa Taguig na nagsimula noong huling bahagi ng 2025.
Ayon kay Lacson, lumabas na hindi nakipag-ugnayan ang city government sa mga concerned government agencies at hindi umano nasunod ang ilang kinakailangang proseso.
Sa ulat noong Oktubre 2025, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dati na nitong na-flag ang mga flood control project sa Taguig. Nakasaad din sa mga tarpaulin sa lugar na DPWH ang nagpapatupad ng mga proyekto.
Kabilang dito ang proyekto sa Barangay Lower Bicutan na may halagang ₱94,047,204.22, at isang multipurpose building sa Lakeshore Complex reclamation site na nagkakahalaga ng ₱49,901,230.48.
May isa pang proyekto para sa “improvement of Laguna Lakeshore area” na nagkakahalaga ng ₱94,066,688.38. Ang mga proyektong ito ay may Topnotch Catalyst Builders Inc. bilang contractor.
Dalawa pang proyekto ang nakalaan para sa rehabilitation ng flood mitigation structures sa Phase 4 at Phase 5. Parehong Dahl Construction Corp. ang contractor, na nagkakahalaga ng ₱141,854,714.79 para sa Phase 4 at ₱141,854,617.45 para sa Phase 5.
Ayon naman sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), hindi nakipag-ugnayan sa kanila ang Taguig City government tungkol sa mga proyekto.
Sinabi ni LLDA general manager Leopoldo Parumog na kailangan munang magkaroon ng public consultation at mga kinakailangang certificate bago magsimula ang anumang konstruksyon sa lugar. RNT/MDS