MANILA, Philippines – Iginiit ng Association of Minimum Wage Earners and Advocates (AMWEA-PTGWO) na epektibo na ang ₱60 minimum wage increase sa National Capital Region (NCR) matapos mag-lapse ang Temporary Restraining Order (TRO) at mabigo ang mga petisyoner na maglagak ng ₱10-bilyong bond.
Sa isang liham na may petsang Agosto 27 kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino, nanawagan ang labor group para sa agarang pagpapatupad ng NCR Wage Order No. 27.
“Dahil naglapse na ang TRO at hindi naging effective ang preliminary injunction, effective na ang Wage Order No. 27. Dapat ng bayaran ng mga kumpanya ang ₱60 na umento sa minimum wage,” ayon sa AMWEA-PTGWO.
Ang grupo ay isa sa mga intervenor sa kasong Declaratory Relief na nakabinbin sa Pasig Regional Trial Court Branch 152. Ang kaso ay inihain ng Readycon Trading and Construction Corporation at RII-Builders, Inc., habang respondent naman ang NCR Regional Tripartite Wage and Productivity Board (Wage Board) at ang National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Noong Agosto 13, nagpalabas si Judge Marie Joyce Manongsong ng writ of preliminary injunction na pumipigil sa Wage Board at NWPC na ipatupad ang Wage Order No. 27, ngunit nakasalalay ito sa paglalagay ng ₱10-bilyong bond ng mga kumpanya.
Hindi nakapaglagak ng naturang bond ang Readycon at RII-Builders. Sa halip, naghain sila ng Manifestation and Omnibus Motion noong Agosto 16 para humingi ng reconsideration dahil sa laki ng itinakdang bond, bunsod nito ang ipinalabas na TRO noong Agosto 4 ay tuluyan nang nag-lapse.
“Ang sabi ng Motion ng Readycon at RII-Builders, napakalaki daw ng bond na 10 Bilyong Piso. Nagtaka sila kung bakit ang halaga ng bond ay binatay sa region wide impact ng injunction. Ito ay samantalang hindi naman sila nagsampa ng class suit para sa lahat ng mga employers sa NCR,” pahayag ng grupo.
Dagdag pa ng AMWEA-PTGWO, na kaanib ng Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO), nilinaw ng mga kumpanya sa kanilang petisyon na ang kanilang interes ay para lamang sa sarili nilang operasyon at hindi para sa lahat ng manggagawa sa rehiyon.
Sa kabila ng argumento ng mga kumpanya ay malinaw na hindi na mapapalawig ang TRO ay kasunud ng paglapse nito ay wala na rin makakapigil para iimplementa ang nauna nang naaprubahang wage increase.
“Malinaw na wala ng balakid sa pagpapatupad ng first tranche na ₱60 minimum wage increase. Nawa ay kusang loob na itong ibigay ng ating mga kumpanya sa Metro Manila. Kung hindi ay baka bahain ang DOLE at mga tanggapan nito ng mga kaso upang mabayaran ng tama ang ating mga minimum wage earners at ibang pang mga manggagawa,” pagtatapos ng AMWEA-PTGWO. Gail Mendoza