Home METRO Dike sa Pampanga, nabutas sa rumagasang tubig

Dike sa Pampanga, nabutas sa rumagasang tubig

1
0

PAMPANGA, Philippines — Nabutas ang bahagi ng San Fernando-Santo Tomas-Minalin tail dike sa Minalin, Pampanga, matapos rumagasa ang tubig mula sa Gugu River madaling-araw nitong Linggo, Agosto 30.

Ayon sa mga awtoridad, humigit-kumulang 30 metro ng tail dike malapit sa Barangay Santa Catalina ang nabutas pagsapit ng madaling-araw. Dahil dito, dumaloy ang baha patungo sa katabing dike sa bayan ng Santo Tomas.

Mula pa noong Sabado ng gabi, nanawagan na si Minalin Mayor Philip Siojo Naguit sa mga residente ng mga barangay malapit sa dike na lumikas habang patuloy na tumataas ang tubig.

Ayon naman kay Pampanga Vice Gov. Dennis Pineda, umapaw din ang tubig mula sa Gugu River patungo sa katabing San Francisco River, dahilan upang maputol ang kalsadang nag-uugnay sa Minalin at Betis sa Guagua.

Sa Santo Tomas, nanawagan din si Mayor John Sambo sa mga residenteng nakatira malapit sa checkgate ng tail dike na lumikas at sumilong sa mga paaralang may matataas na gusali.

Nagbabala si Sambo na maaaring umabot sa checkgate ang tubig mula sa nabutas na bahagi ng dike sa Minalin at posibleng umapaw o mabutas din ito, na maglalagay sa panganib ng pagbaha sa mga kalapit na komunidad.

“Dahil sa lakas ng agos ng tubig sa Gugu River, na-overtop po ang Gugu Dike at pumasok po ang tubig sa ating dike. Malamang na hindi po kakayanin ng ating checkgate ang lahat ng tubig na pumapasok sa ating dike,” aniya.

Sinabi rin ng alkalde na kulang ang resources ng pamahalaang bayan upang mailikas ang lahat ng residenteng nakatira malapit sa dike, kaya hinikayat silang kusang lumikas sa mas ligtas na lugar.

Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lebel ng tubig at kondisyon ng mga dike habang nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na southwest monsoon o Habagat sa Pampanga. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here