MANILA, Philippines – Naghain ng kanyang certificate of candidacy si Pryde Henry Teves bilang gobernador ng Negros Oriental.
Sa ulat, sinamahan si Teves ni Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo at iba pang kapartido sa paghahain ng COC nitong Biyernes, Oktubre 4, para sa 2025 elections.
Unang idineklara si Teves bilang nagwagi sa gubernatorial race noong 2022 elections, ngunit pinawalang-bisa ito ng Commission on Elections (Comelec) makaraang ang mga botong nakuha ng nuisance candidate na si Ruel Degamo ay ibinigay sa katunggali nitong si late governor Roel Degamo.
Kinatigan ng Korte Suprema noong Pebrero 2023 ang desisyon ng Comelec.
Si Pryde ay kapatid ng pinatalsik na si Negros Oriental congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na ngayon ay nagtatago sa Timor-Leste.
Si Teves Jr. ay itinuturong mastermind sa pagpatay kay Degamo at iba pa noong Marso 2023.
Hulyo noong nakaraang taon ay itinalaga sina Pryde at Arnie bilang mga terorista ng Anti-Terrorism Council dahil sa ilang insidente ng pagpatay at harassment sa Negros Oriental. RNT/JGC