Manila, Philippines – Dahil sa palpak na pag-iisyu ng PhilSys National ID ay ipinanawagan na ng ilang mambabatas ang pagbibitiw sa pwesto ng pamunuan ng Philippine Statistics Authority at ang bidding committee ng Bangko Central ng Pilipinas (BSP).
Mariing sinabi ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores na isang malaking kabiguan sa panig ng PSA at BSP ang palpak na pag-iisyu ng National ID bagama’t tuluyan ng kinansela ang kontrata
” Hindi na ako nagulat sa cancellation ng kontrata sa PhilSys National ID contract. Pero nakakadismaya nang sobra dahil milyung-milyong Pilipino ang wala pang PhilSys ID. Dati ko nang pinupuna ang implementasyon ng kontratang iyan, pero nagmamatigas ang Philippine Statistics Authority, Department of Finance, at Bangko Sentral ng Pilipinas,” giit ni Flores.
Aniya, hindi sapat na basta na lamang kanselahin ang kontrata sa pagitan ng PhilSys National ID at ng supplier nito kungdi dapat ay magkaroon ng malalimang imbestitasyon ang BSP at National Bureau of Investigation upang matukoy kung sino ang dapat na managot.
Sa mga ganitong kapalpak na kontrata aniya ay nawawalan ng kredibilidad ang gobyerno maging ang kinauukulang sangay.
” The Bangko Sentral ng Pilipinas and PSA must realize that this failed contract is a major blow to their credibility. Strike 2 na ito sa PSA matapos ang kanilang malayo sa realidad na P64 per day per person sa food poverty threshold.”
Ani Flores agarang pagbibitiw sa pwesto ng PSA Director General ang kaniyang panawagan dahil sa naganap na PhilSys ID fiasco sa pagsasabing “He must go back to the academe where he will have the time to lick his wounds and undergo a serious reality check.”
Para naman sa BSP Monetary Board ay iminungkahi ni Flores na agad patalsikin ang lahat ng BSP bidding committee officials na bumigo sa pag-asa ng maraming Pinoy nang pasukin ang kontrata sa supplier nito.
“Hindi pwedeng walang makakasuhan sa korte sa major kapalpakan na ito. Huwag hayaan na makatakas sa responsibilidad ang mga maysala. Mayroon dapat managot, pati mga padrino ng failed contractor.”
Mahalaga aniya na maprotektahan ang datus ng mga Pinoy na hindi dapat maging pag-aari ng aniya’y palpak na contractor at dapat din aniyang mailagay ito sa blackliste ng mga kontrata na pinasok ng gobyerno.
“Hindi ito ang unang major contract na mayroong major IT features na pumalpak. Klarong madaling nabobola o nagpapabola ang mga ahensya at bidding committees. Duda rin tayo sa technical capability ng mga ahensya at bidding committees na sumusuri sa bidding documents.” (Meliza Maluntag)