MANILA, Philippines – Malaking tulong ang testimonya mula sa pamilya at mga kaibigan ng asawa para patunayan ang psychological incapacity sa mga kasong naglalayong mapawalang-bisa ang kasal.
Ito ang idineklara ng Supreme Court Second Division kasabay ng pagpapawalang-bisa sa kasal nina Jeffery A. Green (Jeffery) at Rowena Manlutac Green (Rowena) dahil sa psychological incapacity ni Rowena.
Magka-relasyon sa loob ng apat na taon sina Jeffery at Rowena bago sila nagpakasal. Makalipas ng apat pang taon, nagsampa ng petisyon si Jeffery para mapawalang-bisa ang kanilang kasal dahil pareho umano silang psychologically incapacitated. Bilang katibayan, nagsumite si Jeffery ng isang psychiatric evaluation report batay sa mga standard test at panayam sa kanyang sarili, kay Rowena, sa isang mutual na kaibigan, at sa ina ni Rowena.
Ayon sa report, madalas na napababayaan ni Rowena ang kanilang finances at ang kanilang mga utang ay umabot na sa PHP 4 milyon. Inakusahan din ni Jeffery si Rowena ng panloloko at pagsisinungaling tungkol sa paternity ng kanilang anak.
Pinaboran ng RTC ang petisyon at idineklara na si Rowena ay psychologically incapacitated na tuparin ang kanyang mga tungkulin sa pag-aasawa. Ito ay pinagtibay ng Court of Appeals at Korte Suprema.
Sa nullity of marriage cases, binigyang-diin ng Korte Suprema na maaaring suriin ang psychological incapacity hindi lang base sa pahayag ng mag-asawa kundi pati na rin sa mga malalapit sa kanila. Ito para maiwasan ang potensyal na bias mula sa asawa na nagsampa ng petisyon.
Iginiit ng Korte Suprema na kung ang kabuuan ng mga ebidensya ay mapatutunayan ang psychological incapacity ng isang asawa noong araw na ipagdiwang ang kasal, ang kasal ay maaaring mapawalang-bisa sa ilalim ng Article 36 ng Family Code. TERESA TAVARES