Home NATIONWIDE PTFoMS sa suspek sa Kidapawan broadcaster slay: Makipagtulungan o mabulok sa kulungan

PTFoMS sa suspek sa Kidapawan broadcaster slay: Makipagtulungan o mabulok sa kulungan

MANILA, Philippines- Hinikayat ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang naarestong gunman sa pagpatay kay Kidapawan City broadcaster Eduardo “Ed” Dizon na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pamamagitan ng pag-amin kapalit ng mas maikling jail term o manatiling tahimik, ipawalang-sala ang kanyang kapwa akusado at mabulok sa kulungan.

Sinabi ni PTFoMS Executive Director Undersecretary Paul Gutierrez na mayroong bagong mga testigo ang mga awtoridad kabilang na ang mga miyembro ng local police, na kayang kilalanin at tukuyin si Junell Jane Andagkit Poten, alyas Junell Gerozaga, bilang gunman na bumaril kay Dizon noong Hulyo 10, 2019.

“If Gerozaga thinks it would be best for him to just remain silent, he is utterly mistaken,” ayon kay Gutierrez, sa ipinalabas na kalatas ng PTFoMS.

Upang mas mapalakas pa ang kaso, sinabi ni Gutierrez na nagdesisyon ang Special Investigation Team (SIT) Dizon na ilipat ang iba pang testigo sa Maynila sa ilalim ng Witness Protection Program.

Nauna rito, sa ulat ng Special Investigation Team Dizon, naaresto si Poten nitong Mayo 2, 2024 sa ikinasang operasyon ng pinagsanib-pwersang mga tauhan ng Police Regional Office 12 at Makilala Municipal Police Station na pinangungunahan naman ni LtCol John Miridel Racho Calinga.

Natimbog ang naturang suspek sa bahay ng isang barangay kagawad sa Barangay Saguing, Makilala, Cotabato sa impormasyon na rin na ibinigay ng isang informant sa mga awtoridad hinggil sa lokasyon ng naturang suspek.

Bukod sa kanya ay nahaharap din sa murder complaints ang broadcaster na si Dante Encarnacion Tabusares na kilala bilang Bong Encarnacion na pinaniniwalaang lider ng Kabus Padatuon (Kapa) Community Ministry International Inc. sa Cotabato, at isang Sotero “Jun” Jacolbe Jr., na kapwa dawit sa naturang krimen.

Gayunman ay na-acquit sa naturang kaso si Jacolbe at nagawa nitong makalaya matapos na makapagpiyansa, habang si Encarnacion, umano’y mastermind, ay pinayagang makapagpiyansa ng Davao court noong Marso 12.

Tinuran ni Gutierrez na tinitingnan nila ang nakaraan at kasalukuyang aktibidad ni Encarnacion na maaari ring lumabag sa batas na makatutulong na mapalakas ang kaso ng gobyerno laban sa kanya at kay Poten.

“We want to know where he was during the time he was wanted for the killing of Dizon,” giit ni Gutierrez.

“We are also validating reports that Encarnacion has revived the modus of KAPPA using another name and his ongoing recruitment of so-called members, coordinators or investors especially targeting local officials and the members of the police,” ayon pa rin kay Gutierrez sabay sabing, “If warranted, he may also face separate cases for them.”

Samantala, sa Kidapawan City nito lamang May 14, itinurn-over ni Gutierrez sa informant ang initial reward na P200,000 na ipinagkaloob ng lokal an pamahalaan para sa mahalagang papel nito sa pag-aresto kay Poten alyas Junell Gerozaga. Kris Jose