MANILA, Philippines- Hiniling ng isang mambabatas sa Department of Energy (DOE) na tiyakin na walang magaganap na brownout sa buong araw ng halalan sa 2025 taliwas sa naitalang power outage noong 2022.
Sa pagdinig, sinabi ni Senador Raffy Tulfo, chairman ng Senate committee on energy, dapat magkaroon ng garantiya sa ahensya na hindi magpapatuloy ang kakapusan ng suplay ng kuryente sa midterm elections.
“Can we rely on you guys na sa 2025, especially during the election period, sa election day itself, na hindi magkaka-brownout? Maasahan pa rin ba namin kayo sa inyong statement?” tanong ng senador.
“Kasi back in February of this year, you did say na hindi tayo magkakaron ng power supply issue. Sinabi niyo ‘yan—walang problema, hindi tayo magkaka-brownout, kaya natin ang El Niño, etcetera. Then pagdating ng April, ayun na, nagkaka-problema na tayo,” dagdag niya.
Itinugon naman ni DOE Undersecretary Rowena Guevara na magkakaroon ng bagong power plants sa bansa sa taong kasalukuyan at makapagbibigay ng mahigit 4,000 megawatts.
“2,000 MW plus po doon ay conventional, 1,9000 MW plus is renewable. Kapag kinompute mo ang gigawatt hours nila, it would be an 18% increase compared to the 2022 values,” wika ng opisyal.
“Ang atin pong increase in growth is about 6% per year. So, hanggang sa 2026, covered ang growth rate natin with the plants that are coming in just this year,” dagdag niya.
Inaasahan din na magkakaroon pa ng bagong planta sa susunod na taon.
“‘Yung question niyo kung next year, meron na itong mga plantang na ito, binabantayan talaga namin ang papasok this year and we pave the way for them, whether it’s at the LGU level, sa NGCP, sa ibang national government agencies for permits and licenses. We try to pave the way for them so that wala nang rason na hindi sila makaka-operate within the date that they promised us,” pahayag ni Guevara.
Noong halalan nitong Mayo 9, 2022, iniulat ng Manila Electric Co. (Meralco), na nagkaroon ng 20 outage incidents sa kanilang nasasakupan partikular sa Metro Manila at karatig-bayan.
Iniulat din ng National Electrification Administration, na nakapagtala sila ng 201 power interruptions sa buong bansa mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-11 ng umaga sa araw ng eleksyon. Ernie Reyes