MANILA, Philippines – Nasa heightened alert ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) kasunod ng mga napaulat na pagbabanta at karahasan laban sa mga mamamahayag sa gitna ng panahon ng halalan.
Binanggit ni PTFoMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. ang kaso ni dzRH reporter Romeo Benas, na umano’y binantaan ni La Paz Mayor Joseph Bernos sa pamamagitan ng Facebook Messenger at video call noong Abril 21.
Ayon kay Torres, isang kasamahan sa media mula sa Northern Luzon ang nakatanggap din ng banta mula sa isang kandidato dahil sa kanyang pag-uulat.
Sinabi ng opisyal na nakikipag-ugnayan na ang PTFoMS sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa iniulat na pagbabanta kay Benas ni Bernos, na isa ring kandidatong kongresista.
Ayon kay Torres, biniberipika na ng PNP ang alegasyon laban kay Bernos at tinatasa na rin ang mga alalahaning pangseguridad.
Samantala, isa pang insidente ng pagbabanta ang naiulat sa Talisay, Negros Occidental matapos paulanan ng bala ang bahay ng dating Negros Press Club presidente at radio blocktimer na si Reynaldo Siason.
Nauna nang hinimok ni Torres ang lahat ng kandidato na igalang ang press freedom at hayaan ang mga mamamahayag na gampanan ang kanilang tungkulin nang walang takot o anumang pagbabanta. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)