Home TOP STORIES Public health advocate kinasuhan ng NBI ng cyberlibel

Public health advocate kinasuhan ng NBI ng cyberlibel

KINASUHAN sa National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong cyber libel ang public health advocate na si Dr. Anthony C. Leachon kaugnay ng akusasyon nito laban sa kumpanyang Bell-Kenz Pharmaceuticals Inc.

Inihain ang kaso sa tanggapan ng NBI Cybercrime Division sa pamamagitan ng mga legal counsel ng Bell-Kenz at sinampahan kasong cyber libel si Dr. Leachon.

Ayon kay Atty. Dezery Perlez, Bell-Kenz Pharma, Inc. legal counsel at spokesperson, malisyoso at walang basehan umano ang mga paratang ni Leachon sa kumpanya kabilang na ang umano’y “multi-level marketing scheme” nito.

Sinabi pa ng legal counsel ng kumpanya na ang social media post ni Dr. Leachon kabilang ang umano’y pag-recruit ng kumpanya sa ilang doctor para i-reseta ang kanilang mga produktong gamot kapalit ng umano’y regalong luxury car at biyahe sa ibang bansa ay malisyoso at walang basehan.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Joseph Vincent Go, Legal Counsel ng kumpanyang Bell-Kenz na nakasira sa integridad at operasyon ng kumpanya ang mga naging akusasyon laban sa Bell-Kenz.

Maging ang kanilang mga produkto at mga gamot ay nadamay na rin aniya sa kontrobersya ng walang basehang akusasyon sabi pa ni Atty. Go.

Una nang humarap sa senado ang mga opisyal ng kumpanya para sa ikinasang imbestigahan sa naturang akusasyon.

Itinanggi din ng mga abogado ng Bell-Kenz Pharma ang mga paratang na ibinato laban sa kumpanya at idiniin na ito ay isang “law-abiding pharmaceutical entity” at sumusunod sa lahat ng regulasyon ng gobyerno. RNT