Home NATIONWIDE Public hearing sa NCR minimum wage adjustment itinakda sa Hunyo 20

Public hearing sa NCR minimum wage adjustment itinakda sa Hunyo 20

MANILA, Philippines – Magsasagawa ng public hearing sa minimum wage adjustment ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) sa June 20, 2024, alas-9 ng umaga sa Occupational Safety and Health Center sa Quezon City.

Natanggap ng RTWPB-NCR ang petisyon para sa minimum wage increase na inihain ng Unity for Wage Increase Now (UWIN) noong Mayo 24, 2024.

Hiniling ng grupo ang dagdag sa arawang minimum wage para sa mga manggagawa sa pribadong establisyimento sa NCR sa halagang P597.00.

Ang kasalukuyang daily minimum wage sa NCR ay P610.00 para sa manggagawa sa non-agricultural sector at P573.00 para sa manggagawa sa agricultural sector, service/retail establishments na may 15 manggagawa o mas mababa, at manufacturing establishments na regular na nag-e-empleyo ng mas mababa sa 10 manggagawa.

Hinihikayat ang mga employer, manggagawa, asosasyon ng tagapag-empleyo, at organisasyong manggagawa na lumahok sa pampublikong pagdinig.

Maaari silang magsumite ng mga position paper sa RTWPB-NCR sa 2nd Floor, DY International Building, San Marcelino cor. General Malvar Sts., Malate Manila o sa pamamagitan ng e-mail sa [email protected] sa o bago ang Hunyo 18, 2024.

Inilathala ng RTWPB-NCR ang kanilang notice of public hearing para sa pagsasaayos ng minimum na sahod sa isang pahayagan ng pangkalahatang sirkulasyon noong Hunyo 4, 2024.

Ito ay alinsunod sa Republic Act No. 6727 (Wage Rationalization Act) na nagtatakda na ang lahat ng RTWPBs ay dapat magbigay ng abiso sa empleyado at mga grupo ng employer, mga opisyal ng probinsya, lungsod, at munisipyo, at iba pang interesadong partido kapag nagsasagawa ng mga pampublikong pagdinig o konsultasyon.

Matatandaan na noong 2024 Labor Day celebration sa Malacañang, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang RTWPBs na suriin ang minimum wage rates sa kani-kanilang rehiyon.

Inatasan din ng Pangulo ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) na repasuhin ang mga patakaran nito at tiyakin na ang mga RTWPB ay nagpapanatili ng regular at predictable na iskedyul para sa pagrepaso at pagpapalabas ng sahod upang mabawasan ang kawalan ng katiyakan at mapahusay ang pagiging patas para sa lahat ng stakeholder. Jocelyn Tabangcura-Domenden