PASIG – Makatatanggap ang mga mag-aaral sa pampublikong paaralan ng K-12 ng P1,500 na transportation allowance sa susunod na linggo mula sa lokal na pamahalaan, sinabi ni Mayor Vico Sotto.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto na ang transportation allowance ay ipapamahagi mula Setyembre 6 hanggang Setyembre 15, 2023.
Mamimigay din ang pamahalaang lungsod ng mga school supplies sa kabila ng “problema sa paghahatid”, aniya.
“Hindi ko na muna idedetalye ang mga dahilan pero siguro masyado kaming naging optimistic sa timeline at nagkulang sa buffer para sa mga aberya,” ani Sotto.
Kabilang sa mga salik sa pagkaantala ay ang diskwalipikasyon ng isang supplier na nabigong magbigay ng tamang kalidad ng mga materyales, sabi ng alkalde.
“Ako po ay humihingi ng inyong pasensya. First time lang din natin ito; maasahan niyo na sa susunod na school year ay mas aagahan namin ang timeline,” ani Sotto.
“Alam kong maraming gastusin pag magpapasukan, kaya sana makabawi ako sa inyo kahit papaano sa pamamagitan ng nasabing cash allowance,” dagdag pa niya.
Samantala, nagsimula na at “on track” na ang pamamahagi ng Malusog na Batang Pasigueño (MBP) package na naglalaman ng tuna, iodized salt, at bitamina.
Kasama sa programa ang pamamahagi ng gatas ngayong Setyembre at bigas ngayong semestre, ani Sotto.
Milyun-milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan ang bumalik sa klase noong Martes. RNT