EASTERN SAMAR — Patay na nang matagpuan ang isang 36-anyos na public school teacher sa madamong bahagi ng isang bakanteng lote sa Barangay Alang-Alang, Quinapondan, Eastern Samar.
Kinilala lamang ang biktima sa pangalang “Leo.” Ayon sa resulta ng awtopsiya, nagtamo siya ng tatlong saksak sa katawan.
Sa imbestigasyon ng Quinapondan Municipal Police Station, lumabas na huling nakitang buhay si Leo na sakay ng motorsiklong minamaneho ng isang lalaking kinilalang “Ryan,” habang may isa pang lalaki na tinawag na “Rick” na umano’y nakasunod sa kanila.
Nang suriin ng mga awtoridad ang mga mensahe ng biktima sa social media, nakita nilang may nakatakdang pagkikita bago natagpuang patay ang guro.
Dahil dito, nagtungo ang mga pulis sa bahay ni Ryan na malapit lamang sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay. Nakakita umano ang mga imbestigador ng mga bahid ng dugo sa loob ng bahay kaya agad na inaresto ang suspek.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. Mary Anne Sapico