NAG-SPRAY ng mosquito repellant ang isang lalaking ito sa bawat sulok ng kanyang tahanan matapos na opisyal na ideklara ng Quezon City Government ang dengue outbreak, habang ang kaso ay patuloy na tumataas. DANNY QUERUBIN
Bulacan – Pinaalalahanan ng kinauukulan ang publiko sa pag-atake ng ibat-ibang sakit partikular ang W.I.L.D diseases dulot ng tag-ulan.
Sa ulat ng Bulacan PHO-Public Health kamakalawa, sinasabing ang “WILD diseases” ay binubuo ng Waterborne Diseases mula sa pag-inom ng maruming tubig; Influenza-like Illnesses o trangkaso, ubo, at pananakit ng katawan; Leptospirosis mula sa ihi ng daga madalas sa baha at Dengue na mula naman sa kagat ng lamok.
Para umano maprotektahan sa mga nabanggit na sakit ay tumutok sa PAGASA sa lagay ng panahon, manatili sa bahay kapag may sakit o umuulan, gawin ang Taob, Taktak, Tuyo, Takip sa mga lalagyan o gamit para walang pamahayan ng lamok at magpakonsulta agad kapag masama ang pakiramdam.
Sinasabing maraming kabahayan sa mga mababang lugar at coastal areas sa lalawigang ito ang binabaha mula sa ulan at high tide na posibleng umatake ang WILD diseases.
Sinusukat ito, nauna nang nag-anunsyo ang Department of Health na maging handa ang publiko para maiwasan ang “WILD diseases” ngayong nag-umpisa na ang panahon ng tag-ulan sa bansa. Dick Mirasol III