MANILA, Philippines – NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na nagtago sa Pilipinas dahil sa mga kinakaharap nito na kasong kriminal sa kanilang bansa makaraang matunton ng mga awtoridad sa Quezon City nitong Martes ng hapon.
Kinilala ng BI ang dayuhan na si Sasaki Yohei, 36, na naaresto dakong alas-3:04 sa tinutuluyang apartment unit sa Queen Residences sa Mercury Street, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.
Batay sa ulat, kasama sa operasyon ang Regional Special Operations Group (RSOG), Regional Intelligence Division (RID) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Ayala Police Sub-Station ng Makati Police bitbit ang inilabas na Mission Order ng BI nang salakayin nila ang tinutuluyan ng dayuhan dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Law at Commonwealth Act No. 613 dahil sa pagiging “undesirable alien”.
Nabatid na nakatakas sa ilegal na POGO operations sa Cambodia si Yohei noong 2023 at miyembro rin siya ng malaking sindikatong Japanese Telecom Scam na nagtatago sa Pilipinas.
Nakalagay din sa warrant na hiningi ni Naoki Matsuda, Chief Inspector ng Omiya Judicial Police na ang pugante ring dayuhan ang bumibili ng mga pangangailangan ng kanilang sindikato at may mga rekord na ng iba’t ibang uri ng krimen tulad ng akyat-bahay at pagnanakaw.
Nasa pangangalaga na ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang dayuhang pugante para ayusin ang mga dokumentong kinakailangan sa posibleng pagpapatapon sa kanya sa kanilang bansa. JAY Reyes