MANILA, Philippines – Nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Julian habang patuloy itong humihina.
Sa kabila nito, nananatili ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes ngayong umaga ng Huwebes, Oktubre 3.
Ayon sa PAGASA, naitala ang sentro ng bagyo sa layong 270 kilometro kanluran, hilagang kanluran ng Itbayat, Batanes o nasa labas ng PAR.
Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 155 kilometro kada oras at pagbugso na hanggang 190 kph.
Kumikilos ito sa direksyong northeastward.
Dahil dito, asahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa extreme Northern Luzon, o Batanes at Babuyan Islands dahil sa Bagyong Julian.
Ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, at Central Luzon naman ay magkakaroon din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dahil sa trough ng bagyo.
Samantala, ang Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Caraga ay magkakaroon din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms dahil naman sa easterlies.
Habang ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms. RNT/JGC