MANILA, Philippines – NAKATAKDANG ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa ang isang puganteng Japanese national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Tokyo dahil sa umano’y panloloko sa isang kababayan nito ng halos tatlong milyong yen sa pamamagitan ng voice phishing.
Sa isang pahayag, kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang dayuhan na si Yokota Tetsuya, 39, na naaresto noong Enero 2 sa kahabaan ng Ongpin Street, Binondo, Manila ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Viado na naglabas siya ng mission order para kay Tetsuya sa kahilingan ng Japanese government na nagpabatid sa BI tungkol sa presensya ng pugante sa bansa.
“He will be deported after our board of commissioners has issued the order for his summary deportation. He will be placed in our immigration blacklist and perpetually banned from re-entering the Philippines for being an undesirable alien,” ani Viado.
Ayon sa BI-FSU, si Tetsuya ay napapailalim sa outstanding arrest warrant na inisyu ng summary court sa Omiya, Japan noong Mayo 31 nitong nakaraang taon.
Nabatid na inakusahan ng mga awtoridad si Tetsuya at ang kanyang mga kasabwat na gumawa ng mapanlinlang na tawag sa telepono sa kanilang biktima at maling ipinaalam sa huli na ang paglipat ng karapatang pumasok sa isang nursing home ay isang krimen.
Dahil dito, nagawang linlangin ng mga ito ang biktima na naengganyo na bigyan sila ng 2.75 milyong yen, o higit sa US$17,000, na cash sa pamamagitan ng koreo.
Kasalukuyang nakakulong si Tetsuya sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings. JAY Reyes