Home NATIONWIDE Puganteng Nigerian na wanted sa cybercrime laglag sa BI

Puganteng Nigerian na wanted sa cybercrime laglag sa BI

116
0

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na wanted ng mga awtoridad sa US dahil sa mga kinakaharap nitong cybercrime kung saan nakapambiktima ito ng mga Amerikano, na karamihan ay mga retiradong military servicemen.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na ang 35-anyos na si Ahmed Kamilu Alex ay naaresto noong Oktubre 11 sa kahabaan ng Panay Avenue, Bgy. Paligsahan, Quezon City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit ng BI.

Sinabi ni Viado na ang Nigerian ay inaresto sa bisa ng isang mission order na kanyang inilabas sa kahilingan ng gobyerno ng US na humingi ng deportasyon ng nasabing African sa US upang siya ay malitis para sa kanyang mga krimen.

Nabatid na si Alex ay nasa wanted list ng BI mula noong Agosto ng taong ito nang mailagay sa blacklist ng immigration dahil sa pagiging pugante sa hustisya.

Ang mga iligal na aktibidad ng suspek ay nauna nang iniulat sa Department of Justice ng US Defense Criminal Investigative Services na kasunod na inendorso sa BI para sa pagpapatupad ng batas.

Inakusahan ng mga awtoridad ng US na nakipagsabwatan si Alex sa dalawa pang indibidwal sa pagsasagawa ng cyber fraud scheme sa pamamagitan ng paglikha ng mga pekeng na website na ginagaya ang mga lehitimong ahensya ng gobyerno ng US noong pandemya ng COVID-19.

Sa pamamagitan ng nasabing mga pekeng website, nagawa umanong singilin ng mga suspek ang kanilang mga biktima, na karamihan ay mga tauhan ng militar, sa halagang US500 hanggang US$48,500 bilang bayad umano sa pagproseso ng kanilang mga kahilingan sa emergency leave.

Kasalukuyang nakakulong ang Nigerian sa BI custodial facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here