Home NATIONWIDE Puganteng South Korean na wanted sa drugs, telco fraud arestado ng BI

Puganteng South Korean na wanted sa drugs, telco fraud arestado ng BI

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean na pinaghahanap ng mga awtoridad sa Seoul dahil sa pagkakasangkot sa telecommunications fraud at drug trafficking.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nahuli na pugante na si Sim Dongwoo, 43-anyos, na inaresto sa Buenavista, Marinduque noong Martes ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng bureau.

Sinabi ni Tansingco na inaresto si Sim sa bisa ng warrant na inisyu nito alinsunod sa summary deportation order na ipinalabas ng BI board of commissioners laban sa Koreano mahigit tatlong taon na ang nakararaan.

“We will thus deport him immediately so he could face trial for the crimes he allegedly committed,” ani Tansingco. “He was already included in our blacklist and perpetually banned from re-entering the country,” dagdag pa ng opisyal.

Ang impormasyon na ibinigay ng BI-Interpol ay nagsiwalat na si Sim ay naging subject ng isang red notice ng Interpol bago pa man mailabas ang isang warrant para sa pag-aresto sa kanya ng Seoul central district court noong Hulyo 2021.

Si Sim ay iniulat na sinampahan ng fraud o pandaraya sa harap ng nasabing korte dahil sa pagiging miyembro ng sindikato na nanloko sa mga biktima nito ng higit sa 58 milyong won, o humigit-kumulang US$44,000, sa pamamagitan ng voice phishing.

Ang mga suspek ay gumawa umano ng mga random na tawag sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga financial advisors na nag-aalok ng mga gawa-gawang loan kapalit ng pagbabayad ng processing fees.

Higit pa rito, inakusahan din ng mga awtoridad na si Sim at ang kanyang mga kasabwat ay nagbebenta rin ng iligal na droga sa pamamagitan ng pagpuslit mula Maynila patungo sa South Korea ng 200 gramo ng ilegal na methamphetamine drug na tinatawag na “Philopon” noong Setyembre ng nakaraang taon.

Ang sindikato ay hinihinalang may kabuuang mahigit isang libong gramo ng methamphetamine sa limang magkakaibang okasyon mula Agosto hanggang Disyembre noong nakaraang taon.

Kasalukuyang nakakulong si Sim sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon sa Korea. JAY Reyes

Previous articleAgusan del Sur niyanig ng M-5.9 na lindol
Next article35 sugatan sa tumagilid na bus sa Negros