Home METRO Puganteng Taiwanese tiklo sa BI

Puganteng Taiwanese tiklo sa BI

MANILA, Philippines- Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng Taiwanese national na wanted sa kanilang bansa dahil sa umano’y paglabag sa gun control law.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang Taiwanese fugitive na si Wu Jao, alyas Wu Chun Hsien, na napag-alamang isang undocumented alien.

Sinabi ng BI na ang Taiwanese ay inaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI alinsunod sa mission order na inilabas ni Tansingco na nakatanggap ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Taiwan sa mga umano’y krimen na ginawa ng dayuhan.

Nabatid na si Wu ay may kinakaharap na warrant of arrest na inisyu ng Taipei District Prosecutors Office para sa Violations of Controlling Guns, Ammunitions & Knives Act of Taiwan.

Ayon sa opisyal, sangkot umano ang nasabing dayuhan sa isang insidente ng pamamaril sa Taiwan noong 2022 kung saan walang habas niyang nagpaputok ng baril at tinamaan ang tirahan ng kanyang biktima.

Nabatid pa sa opisyal na mayroon ding reklamo laban kay Wu mula sa isang Pilipinong biktima na umano’y “isang kaso para sa oral defamation at trespassing na isinampa laban dito sa Cagayan. JAY Reyes

Previous articleMaja, humataw sa indak kahit buntis!
Next articleProteksyon ng OFWs, trabaho para sa mga Pinoy isinulong ni PBBM sa Germany visit