MANILA, Philippines – May person of interest na ang mga awtoridad sa Malay, Aklan sa pumatay at posibleng humalay sa turistang Slovakian, kung saan nakita ang bangkay nito kamakailan sa isang abandonadong kapilya sa Boracay.
Sa ulat, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Mar Joseph Ravelo, hepe ng Malay Police, na nakasalamuha ng biktima ang naturang POI.
“We have two or more persons of interest lalo na ang mga tao na nagkaroon po siya ng contact,” pahayag ni Ravelo sa panayam ng GMA News.
“Tinitingnan natin ang foreign national at the same time ang mga local na pumupunta din sa area po doon (kung saan nakita ang bangkay).”
Matatandaan na iniulat na nawawala ang 23-anyos na biktimang si Michaela Michova noong Marso 10.
Dalawang araw makalipas nito ay nakita ang bangkay ng biktima sa isang abandonadong kapilya na walang saplot pang-ibaba.
Hinihintay pa ang resulta ng eksaminasyon ng bangkay nito para matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng biktima at kung ginahasa ba ito.
Ayon kay Ravelo, palakaibigan ang biktima.
Sinusuri ng mga awtoridad ang CCTV footage na posibleng makatulong sa imbestigasyon.
“Nandoon na rin po yung idea dahil nga po pumupunta siya sa mga lugar na walang tao, nandoon po ang angle na ang security niya ay malagay sa risk dahil nga po ang lugar ay hindi napapatrolyahan ng mga pulis considering na masukal at mabundok,” dagdag pa.
Sa hiwalay na panayam ng DZBB, mahilig umanong magpunta sa mga lumang simbahan ang turistang biktima.
Dalawang beses na rin siyang nakapunta sa naturang lugar at nakita rin ng mga awtoridad sa CCTV na naglalakad ito na mag-isa lamang.
Sa kabila ng nangyari, siniguro naman ng mga awtoridad na ligtas mamasyal sa Boracay at maging sa buong lalawigan. RNT/JGC