MANILA, Philippines – Itinakda ng International Criminal Court (ICC) ang iskedyul ng confirmation of charges hearing para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Setyembre 23, 2025.
Kasabay nito ay sinabi rin na maaari itong maghain para sa “interim release.”
Ito ang inanunsyo ni Presiding Judge Romanian Iulia Antoanella Motoc sa pretrial ni Duterte sa The Hague na isinagawa nitong Biyernes, Marso 14.
“At the confirmation of charges hearing you can contest the charges, challenge the evidence provided by the prosecutor and present evidence,” sinabi ni Motoc kay Duterte.
Matatandaan na dumalo sa pretrial si Duterte sa pamamagitan ng video link, kasama si dating Executive Secretary Salvador Medialdea bilang kanyang legal counsel.
Ani Motoc, hindi magkakaroon ng paglilitis kung hindi makukumpirma ang mga reklamo laban kay Duterte.
“You have the possibility to make an application for interim release pending trial,” sinabi ni Motoc.
Dumating sa The Netherlands si Duterte noong Miyerkules ng gabi at itinurn-over sa International Criminal Court (ICC) Detention Center sa Scheveningen, The Hague.
Siya ay may arrest warrant mula sa ICC kaugnay sa crimes against humanity na nagawa umano niya sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019.
Ang Pilipinas ay miyembro pa rin ng Rome Statute na lumikha sa ICC accord sa nasabing mga panahon.
Marso 2018 nang ideklara ni Duterte ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute, ngunit ang aktwal na withdrawal a eepekto lamang isang taon matapos nito, o Marso 2019, kung kaya’t may hurisdiksyon pa rin ang ICC sa mga krimen sa Pilipinas nang mga panahong iyon. RNT/JGC