Home NATIONWIDE Bonoan binalaan ni Cayetano sa pagdedma sa Blue Ribbon probe: ‘Subpoena kasunod’

Bonoan binalaan ni Cayetano sa pagdedma sa Blue Ribbon probe: ‘Subpoena kasunod’

MANILA, Philippines – Matinding binalaan ni Senador Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon subcommittee, nitong Biyernes na magpapalabas ng subpoena kapag hindi dumalo sa imbestigasyon si Public Works Secretary Manuel Bonoan.

Inihayag ito ni Cayetano matapos isnabin ni Bonoan ang unang pagdinig ng Blue Ribbon committee hinggil sa bumigay na tulay sa Isabela na nagkakahalagang P1.22 bilyon.

“I will not get mad at you for those who are not here but I will request one of you to text the secretary because hindi nag-a-attend ng hearing e,” ayon kay Cayetano sa unang bahagi ng pagdinig.

Binanggit ni Cayetano na hindi ngayon lamang inisnab ni Bonoan ang pagdinig ng Senado tulad nang ginawa nito sa imbestigasyon sa ginagawang New Senate Building.

“Sa new senate building, hindi nag-attend. Ito napakalaking eskandalo ito na bridge, hindi nag-attend. And the reason I request you text him because I will subpoena him if he doesn’t [voluntarily] come here,” babala ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na mahalaga ang presensiya ni Bonoan sa imbestigasyon ng Blue Ribbon dahil nakatuon ito sa bumagsak na Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela, kundi “how the DPWH deals with errant contractors [or] errant members if any of DPWH.”

“Hindi lang itong bridge ang pinaguusapan natin dito. So he has to be here di ba. If he doesnt, I will subpone him and I will request General Torre to bring him here,” ani Cayetano na tumutukoy kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III.

Nitong Pebrero 27, isang bahagi ng tulay na nagkokonekta sa bayan ng Cabagan sa Santa Maria sa Isabela province na ikinasugat ng anim na katao.

Sinabi ng DPWH na aabot lamang sa 44 toneladang karga ang kayang kargahin ng tulay ngunit umabot sa mahigit 100 tonelada ang trak na dumaan dito nang bumigay.

Pinabulaanan ng engineer na nasa likod ng Cabagan-Sta. Maria Bridge saka iginigiit na tinupad nito ang Bridge Code of the Philippines. Ernie Reyes