MANILA, Philippines — Halos lahat ng Pilipino ay naniniwalang laganap pa rin ang korapsyon sa gobyerno, at karamihan ay nagsabing lalo itong lumala sa nakalipas na taon, batay sa pinakabagong survey ng Pulse Asia.
Sa Ulat ng Bayan survey noong Setyembre 2025, 97% ng mga respondent ang nagsabing talamak ang korapsyon sa pamahalaan, habang 3% lamang ang hindi sumang-ayon. Ayon sa 85%, mas lumala pa ito sa loob ng 12 buwan, 12% ang nagsabing walang pagbabago, at 3% ang naniniwalang bumuti.
Ayon sa Pulse Asia, pare-pareho ang pananaw sa lahat ng rehiyon at antas ng lipunan na “malubha” ang korapsyon.
Lumabas din sa survey na 59% ng mga Pilipino ang naniniwalang “normal” na bahagi ng pulitika ang korapsyon, 30% ang hindi sumasang-ayon, at 11% ang hindi tiyak.
Tinuturing ng 75% na korapsyon ang panunuhol, 67% ang maling paggamit ng pondo, at 64% ang kickback. Kabilang din sa mga binanggit ang insider trading (49%), pag-iwas sa buwis (41%), nepotismo (38%), at hindi pagsisiwalat ng conflict of interest (27%). RNT