MANILA, Philippines – Dalawang bilang ng murder ang isinampang kaso sa pangunahing suspek sa pagpatay sa 6-anyos na batang lalaking person with disability (PWD) at sa inang 43 anyos, napaulat sa Valenzuela City.
Ayon sa Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, matibay ang kasong isinampa nila laban kay Michael Francisco, 41, ng Obando, Bulacan.
Sinabi ng hepe na ang mga nakuha nilang ebidensiya, kabilang ang testimonya ng mga testigo, ang pag-amin ng suspek na nakapatay siya ng mag-ina kaya’t nagtago siya, pati na ang kuha sa CCTV kung saan nakita siyang sinusundan ang mag-ina nang umalis at bumalik sa kanilang tirahan, laban sa suspek ay sapat upang sampahan ng kasong 2 counts of murder si Francisco.
Matatandaan na dakong alas-8:30 ng gabi nitong Nobyembre 19 ng taong kasalukuyan nang matagpuan ang bangkay ng mag-ina ng isa pang anak na babae ng biktima pagkauwi nito ng bahay mula sa paaralan.
Lumabas sa resulta ng awtopsiya na sanhi ng matinding palo sa ulo ng matigas na bagay ang ikinamatay ng mag-ina.
Ayon pa sa pahayag sa pulisya ng isa sa mga testigo na bago ang pagpatay, pinilit pa ng suspek ang ginang na gumamit ng shabu. (Merly Duero)