MANILA, Philippines – Nanawagan si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) nitong Biyernes, Hunyo 2 na agaran nang hulihin ang suspek sa pagpatay sa mamamahayag sa Oriental Mindoro.
Ani Abalos, tinawag niya ang pansin ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na agarang makipag-ugnayan kay Police Regional Office Mimaropa chief Police Brigadier General Joel Doria kaugnay nito.
“Kanina, I called the attention of the Chief na sabi ko tawagan mo kaagad si General Doria,” pagbabahagi ng kalihim.
“Of course journalist, kailangan mahuli kaagad yan. Is it related to work? Ano bang ano nito? So they are on top of it,” dagdag pa niya.
Matatandaan na nitong Miyerkules, Mayo 31 ay pinagbabaril-patay ang radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin sa Calapan City.
Ayon sa pulisya, isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang namaril ng ilang beses sa biktima sa tapat ng isang sari-sari store bandang alas-4:20 ng umaga.
Agad na isinugod sa ospital si Bunduquin ngunit idineklarang dead on arrival.
Sinabi pa ng mga awtoridad na sinubukan pang habulin ng anak ni Bunduquin ang mga suspek at binangga.
Nagtamo ng head injury ang isa sa mga suspek na si Narciso Ignacio, na naging dahilan ng agarang kamatayan.
Samantala, nakatakas naman ang isa pang suspek.
Ayon kay Oriental Mindoro Provincial Police Office chief Police Colonel Samuel Delorino, tukoy na nila ang person of interest sa pagpatay. RNT/JGC