
MANILA, Philippines – Ininspeksyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Tripa de Gallina Pumping Station sa Pasay City, ang pinakamalaking pumping station sa buong National Capital Region.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng inspeksyon na tiyaking tuloy-tuloy ang operasyon ng pasilidad, lalo na sa gitna ng masamang panahon dulot ng habagat.

Kamakailan ay inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng proactive measures para matiyak ang kahandaan ng mga komunidad sa epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan.
Ipinakita ng MMDA ang dami ng basura na nahakot mula sa pumping station nitong Hulyo 22 kasama rito ang sirang kasangkapan, lumang refrigerator, gulong, punongkahoy, at iba pang kalat.
“When plastics are sucked into the pump, they get coiled in the engine, resulting in overheating. The efficiency of our pumping stations are really affected and could result in damaged equipment,” paliwanag ni Artes.
Dagdag pa ni Artes, malaking salik sa problema sa baha ang mahigit 50-taong drainage system ng Metro Manila.
“Our drainage system is antiquated, with more than 50 years of service. To address these issues, we need a drainage master plan for Metro Manila that involves upgrading and expanding the existing drainage network, constructing new pumping stations, among others,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ng MMDA na gumagana sa full capacity ang 71 pumping stations sa buong Metro Manila.
Binigyang-diin ni Artes na mahalaga pa rin ang disiplina ng publiko, partikular sa tamang pagtatapon at paghihiwalay ng basura, upang masolusyunan ang pagbaha.
Samantala, ininspeksyon din niya ang MRT-7 Batasan Station sa Commonwealth Avenue, Quezon City, upang alamin ang pinagmumulan ng baha sa lugar.






