Home METRO Punerarya sa Pasay nilamon ng apoy

Punerarya sa Pasay nilamon ng apoy

MANILA, Philippines – Nilamon ng apoy ang likurang bahagi ng isang punerarya sa Pasay noong Martes ng hapon, Hunyo 17.

Base sa inisyal na ulat ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), apektado ng sunog ang Veronica Funeral Homes na matatagpuan sa 517 A. Arnaiz Avenue, Barangay 66, Pasay City.

Ayon kay Pasay BFP Fire Director F/Sr. Insp. Raymun Pagcaliwangan, nagsimula ang sunog sa staff house na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng gusali bandang alas-5:09 ng hapon.

Bandang alas-5:13 ay itinaas ang unang alarma, habang naiulat namang under control na ang sunog dakong alas-5:39 ng hapon.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa sunog na idineklarang fire out bandang alas-6:04 ng gabi.

Kabilang sa nasunog ang 50 sqm na puwesto na pag-aari ng isang Remedio Esperidion, kung saan napag-alamang pinagtitipunan ang lugar na ito ng mga tao.

Tinatayang nasa P250,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy, kung saan umabot sa 30 fire trucks ang rumesponde sa naturang sunog.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng naganap na sunog sa nabanggit na punerarya.
(James I. Catapusan)