Home TOP STORIES Punong tanggapan ng ABP Partylist pinasinayaan

Punong tanggapan ng ABP Partylist pinasinayaan

MANILA, Philippines – PINASINAYAAN ang pagbubukas at pagbabasbas ng National Headquarters ng Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) Partylist sa Pasay City, noong Biyernes, Marso 21, 2025.

Dinaluhan ang kaganapan ng mga pangunahing personalidad sa politika at iba’t ibang sektor na nagpatibay sa adhikain ng ABP na itaguyod ang kapakanan ng mga bumbero at unang tumutugon sa sakuna sa buong bansa.

Kabilang sa mga panauhin si dating Laguna Governor ER Ejercito, na nagbabalik sa politika bilang kandidato sa pagka-alkalde ng Pagsanjan. Kasama niya ang kanyang mga anak na sina Maria Guadalupe “Jhulia,” na tumatakbo bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Laguna para sa ika-apat na distrito, at si Jorge Antonio Genaro “Jerico,” na kandidato sa pagka-bise gobernador ng Laguna.

Ipinahayag ng pamilya Ejercito ang kanilang buong suporta sa ABP Partylist, kung saan nagbigay ng tantiya ang dating gobernador na makakakuha ang nasabing partylist ng tatlong milyong boto mula sa Laguna lamang.

Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang grupo ng adbokasiya at sektor, kabilang ang Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY-Movement), People’s Alliance for Democracy and Reform (PADER), Alyansa ng Bayan para sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Isang Bansang Pilipinas (IBP)
at ang Kapisanan ng Mamamayang Pilipino (KAMPIL).

Pinangunahan ang inagurasyon sa punong tanggapan ng ABP Partylist ng kanilang unang nominado, si Dr. Jose Antonio Ejercito “Ka Pep” Goitia, kasama ang iba pang mga nominado na sina Leninsky Bacud, Catleya Cher Goitia, Jose Mari Alfonso Goitia, Carl Gene Moreno Plantado, at Howie Quimzon Manga.

Kasabay ng pagbubukas ng punong tanggapan ng ABP ang positibong resulta ng pinakabagong Tangere 2025 Pre-Election Party-List Preferential Survey. Mula sa ika-14 na puwesto noong Pebrero, umakyat ang ABP Partylist sa ika-12 posisyon, kung saan tumaas ang voter preference nito mula 1.68% patungong 2% ngaung Marso.

Ipinapakita ng pag-angat na ito na lumalawak ang pagkilala ng publiko sa adbokasiya ng ABP para sa kapakanan ng mga bumbero at kahandaan sa pagtugon sa mga sakuna.

Bilang nag-iisang partylist na kumakatawan sa sektor ng mga bumbero, nangunguna ang ABP sa mga inisyatibang pambatas na naglalayong pagandahin ang kondisyon ng kanilang trabaho, tiyakin ang sapat na pondo, at gawing moderno ang kanilang kagamitan.

“Narito kami upang ipaglaban ang ating matatapang na bumbero at unang tumutugon, na mga fire rescuers at volunteers na araw-araw na isinasaalang-alang ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng iba. Misyon naming tiyakin na matatanggap nila ang pagkilala, suporta, at mga mapagkukunan na nararapat sa kanila,” ani Dr. Goitia.

Binigyang-diin din ni Dr. Goitia ang kakulangan ng sapat na suporta para sa mga bumbero.

“Inaasahan nating maging matapang sila sa gitna ng panganib, ngunit kapag sila ay nasaktan, para bang wala nang sumusuporta sa kanila. Para bang isinasantabi ang kanilang kabayanihan,” ayon pa kay Dr. Goitia.

Inilahad ng ABP Partylist ang kanilang komprehensibong adyendang pambatas upang maisulong ang mga repormang makikinabang ang mga bumbero sa buong bansa tulad ng: Firefighters’ Welfare and Benefits Act na magpapataas ng sahod, hazard pay, at mga benepisyo sa kalusugan ng mga bumbero; Fire Equipment Modernization Bill na maglalaan ng pondo para sa modernisasyon ng mga estasyon ng bumbero gamit ang makabagong kagamitan at teknolohiya; Community-Based Fire Prevention Program na magpapalaganap ng edukasyon sa kaligtasan sa sunog at paghahanda sa sakuna sa antas ng komunidad.

Bukod sa mga panukalang batas, aktibong nakikipagtulungan ang ABP sa mga lokal na pamahalaan, pribadong organisasyon, at pandaigdigang kasosyo upang palakasin ang kakayahan sa pagtugon sa emergencies at pagpapalaganap ng kaalaman sa pag-iwas sa sunog. Layunin ng mga pakikipagtulungang ito na bumuo ng isang pambansang sistemang susuporta sa mga unang tumutugon sa sunog lalo na sa mga malalayong lugar at hindi gaanong nabibigyang-prayoridad na mga komunidad.

Dahil sa patuloy na pag-angat sa survey at lumalawak na network ng tagasuporta, lumilitaw na ang ABP Partylist ay isang matibay na puwersa sa darating na Halalan 2025. Habang patuloy ang pag-usbong ng kilusan, nananatiling matatag ang ABP sa pangakong tiyakin na ang mga bumbero at unang tumutugon na fire rescuers at volunteers ay hindi na muling mapapabayaan—sa halip, sila ay bibigyan ng sapat na kagamitan, suporta, at pagkilala sa kanilang mahalagang tungkulin sa lipunan. RNT