MANILA, Philippines – Muling binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga aplikasyon para sa konsolidasyon sa ilalim ng Public Transport Modernization Program (PTMP) ng gobyerno hanggang Nob. 28.
Sinabi ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III sa isang interbyu na ang mga unconsolidated public utility vehicle drivers at operators ay maaari nang maghain ng aplikasyon para sa consolidation sa ilalim ng PTMP, na dating kilala bilang PUV Modernization Program (PUVMP).
Sinabi ni Guadiz na muli niyang binuksan ang aplikasyon sa loob ng 45 araw bilang tugon sa kahilingan ng Senado.
“I only gave them 45 days. Alinsunod din ito sa request ng Senado noong nagpasa sila noong una ng resolution na sinasabing i-defer namin. Ang concession ko sa kanila bubuksan ko po muli pero 45 days lang,” aniya pa.
Gayunpaman, sinabi ni Guadiz na ang mga unconsolidated na PUV driver at operator ay pinapayagan lamang na sumali sa mga umiiral na kooperatiba ngunit hindi sila pinapayagang bumuo ng kanilang sarili.
Hinikayat niya ang mga unconsolidated na PUV driver at operator na sumali sa modernization program ng gobyerno para makatanggap ng mga benepisyo tulad ng P10,000 para sa fuel subsidy, at P15,000 hanggang P20,000 para sa service contracting sa Libreng Sakay program.
Matapos ang Abril 30 na deadline para sa konsolidasyon, una nang sinabi ng LTFRB na ang mga unconsolidated na PUV ay itinuring na “colorum” o tumatakbo nang walang prangkisa.
Gayunpaman, pinayagan ng LTFRB ang mga unconsolidated jeepney at UV Express units na mag-operate sa mahigit 2,500 ruta na may mababang consolidation rates. RNT