TARLAC — Patay ang isang 35-anyos na person with disability o PWD na isa ring vlogger matapos umanong pagtulungang gulpihin ng limang lalaki sa isang rambulan sa Barangay San Nicolas Dapdap, Bamban, Tarlac noong nakaraang linggo.
Ayon kay Maj. Leoncio Alcantara Jr., hepe ng Bamban Municipal Police Station, nagtungo ang biktima sa isang videoke bar noong Biyernes kung saan nag-iinuman ang limang suspek.
Sinabi ng pulisya na magkakilala ang biktima at ang mga suspek. Nagsimula umano ang insidente sa biruan ng biktima at isa sa mga suspek, ngunit nauwi ito sa mainitang pagtatalo at suntukan.
Sa gitna ng kaguluhan, pinagtulungan umano ng limang suspek ang biktima.
Mula sa videoke bar, umabot ang rambulan sa tapat ng isang gasolinahan at nagpatuloy hanggang sa isang kapilya sa barangay. Naawat lamang ang gulo nang rumesponde ang mga pulis at barangay tanod.
Unang dinala sa ospital ang biktima, binigyan ng paunang lunas, at pinayagang makauwi. Ngunit pagdating sa kanilang bahay, nagreklamo umano siya ng matinding pananakit ng ulo kaya muli siyang isinugod sa ospital.
Sa isinagawang CT scan, natuklasang may pamumuo ng dugo sa kaniyang utak. Binawian siya ng buhay noong Linggo, Hulyo 5.
Ayon sa pulisya, ang biktima ay may complete phocomelia, isang kondisyon kung saan wala o labis na maikli ang mga braso ngunit naroon ang mga kamay.
Kilala na ng Bamban Municipal Police Station ang limang hinihinalang suspek, ngunit nakapagtago na ang mga ito.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kasong homicide laban sa mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Hinihikayat din ng mga awtoridad ang sinumang may impormasyon na makipag-ugnayan sa Bamban Municipal Police Station upang makatulong sa pag-aresto sa mga suspek. RNT