MANILA, Philippines- Nag-alok ang Quezon City government ng P10 milyong tulong-pinansyal sa siyam na local government units (LGUs) sa Bicol region na lubhang naapektuhan ng matinding tropikal na bagyong “Kristine.”
Inaprubahan ng Quezon City Council ang Resolution No. SP-9833 sa isang espesyal na sesyon noong Okt. 29, 2024, na nagpapahintulot kay Mayor Joy Belmonte na magbigay ng tulong-pinansyal sa siyam na LGU ng Bicol.
Pitong LGU sa Camarines Sur ang tatanggap ng kabuuang P8 milyon, kung saan ang Iriga City ay tatanggap ng P2 milyon. Ang mga munisipalidad na tatanggap ng P1 milyon ay ang Bato, Nabua, Bula, Buhi, Pili, at Tinambac.
Nabatid na sa lalawigan ng Albay, ang mga munisipalidad ng Libon at Guinobatan ay tatanggap ng tig-P1 milyon.
Sinabi ni Mayor Belmonte na napili ang mga lugar sa rekomendasyon ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamamagitan ng Resolution No. 8, S-2024.
“Ito’y bahagi ng aming tungkulin na tulungan ang aming kapwa lokal na pamahalaan para sila’y makabangon mula sa epekto ng kalamidad,” ani Belmonte.
“Nagpapasalamat tayo sa ating Quezon City Council, sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Sotto, at sa ating mga konsehal sa pagkilos na ito. Umaasa tayo na malayo ang mararating ng tulong na ito para sa mga taga-Bicol,” dagdag pa nito.
Ang tulong pinansyal ay manggagaling sa naipon na Local Disaster Risk Reduction and Management (LRDDM) Trust Fund ng Quezon City. Santi Celario