MANILA, Philippines – Handa na ang Quezon City government, sa pamumuno ng Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC), sa paparating na typhoon season at La Nina.
Target pa rin ng lokal na pamahalaan ang zero casualty para rito.
“Nakahanda na ang lahat ng ating mga kailangan para sa darating na tag-ulan at pagtama ng La Nina sa ating bansa,” sinabi ni Mayor Joy Belmonte.
”Lahat ng mga kaukulang tanggapan ng pamahalaang lungsod ay may gagampanang papel para matiyak ang kaligtasan ng lahat at para mabilis na maihatid ang tulong at serbisyo sa ating QCitizens,” dagdag pa ng alkalde.
Nasubukan na kaagad ang kahandaan ng lungsod sa pagdaan ng bagyong Aghon, ang kauna-unahang bagyo na dumaan sa bansa ngayong taon.
Sa panahon ng bagyo, agad na pagaganahin ng QCDRRM ang all-member offices na naka-standby, habang patuloy na imomonitor ng Emergency Operations Center (EOC) ng lungsod ang galaw ng bagyo, lakas ng hangin at dami ng ulan sa Quezon City.
“Our Urban Search and Rescue (USAR) Team members will also be placed on full alert and ready to respond immediately in case of emergencies,” paliwanag ni Belmonte, sabay-sabing ang kanilang team ay handa sa rescue boats, protective gears, sonar equipment, rescue cans, at iba pang life-saving equipment.
Magsasagawa rin ng regular weather briefings at Pre-Disaster Risk Assessments ang QCDRRMO, sa pamumuno ni officer-in-charge, Ms. Ma. Bianca Perez.
Agad din na magrerekomenda ang DRRMO ng city-wide suspension ng klase sa mga pampublikong paaralan depende sa weather forecast ng 4:00 a.m. at ang bawat barangay ay magdedeklara ng localized suspension pagsapit ng 4:30 a.m. kung walang rekomendasyon mula sa DRRMO.
Upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, magsasagawa rin ang safety officers ng pre-emptive evacuations sa low-lying at flood prone areas.
“We will also dispatch USAR personnel to cut portions of trees and remove debris from fallen trees reported in some parts of the city to keep our QCitizens out of harm’s way,” ipinunto pa ni Belmonte. RNT/JGC