MANILA, Philippines – Magsasagawa ang Quezon City Police District (QCPD) at Quezon City government ng emergency response drills sa mga paaralan upang ihanda ang mga estudyante at kawani sa mga banta sa seguridad tulad ng active shooter, pananaksak, bomb threat, at riot sa loob ng campus.
Ayon kay QCPD Director Police Brig. Gen. Randy Glenn Silvio, bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan kasunod ng mga insidente ng karahasan sa mga eskuwelahan.
Pinalakas na rin ang presensya ng pulis sa ilalim ng “Safer Metro Manila” program, kung saan may nakatalagang isang pulis at isang barangay tanod sa bawat paaralan.
Sinabi ni Silvio na bumuo rin ang QCPD at QC government ng student security protocol.
“Ang gusto kasi ni Mayor Joy Belmonte na mai-train talaga ‘yung mga estudyante, parang ‘yung reaction natin sa earthquake drill na dapat ganun din ang ano natin sa mga estudyante,” ani Silvio.
Sasaklawin ng drills ang apat na sitwasyon: active shooter, pananaksak, bomb threat, at riot sa loob ng classroom. Naghanda rin ng mga audio-visual presentation upang gabayan ang mga estudyante sa tamang gagawin.
Nakatuon ang student security protocol sa tatlong yugto: bago, habang, at pagkatapos ng insidente.
Bibigyan ang mga estudyante ng pagsasanay, classroom organization, at simulation exercises. Ituturo rin kung paano gamitin ang mga gamit sa loob ng silid-aralan, kabilang ang kanilang mga bag, para sa pansariling depensa kung kinakailangan.
Ayon kay Silvio, sa isang viral na insidente ng pananaksak, walang nagawa ang isang estudyante habang sinasaksak ang kanyang kaklase.
“So kailangan natin ng training, simulation exercise para sa ating mga estudyante,” aniya.
Pagkatapos ng insidente, magkakaroon ng head count at debriefing kasama ang lokal na pamahalaan at mga opisyal ng paaralan upang masuri ang naging pagtugon at mapabuti pa ito.
Nagkaroon na rin ng Viber groups ang lahat ng QCPD station commanders kasama ang mga principal at school administrators upang mapabilis ang komunikasyon at emergency response.
Dagdag ni Silvio, mananatili ang mga pulis sa loob ng campus ngunit papasok lamang sa mga gusali ng paaralan kapag hiniling ng mga guro, principal, o school administrators. RNT/MDS