Inihain ng ilang residente ng District 5 ng Quezon City ang reklamo laban sa isang mambabatas kaugnay ng umano’y pamimili ng boto, batay sa sinumpaang salaysay na isinumite sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Ayon sa ulat ng DZRH, kinakaharap ni Rep. Patrick Miguel Vargas ang reklamong paglabag sa Omnibus Election Code, partikular sa Section 261 (a) na tumutukoy sa vote buying, at Comelec Resolution No. 11104, na naglalatag ng mga patakaran sa mga ipinagbabawal na gawain kaugnay ng halalan, kabilang na ang pagbibigay ng pera o materyal na benepisyo upang impluwensiyahan ang pagboto ng isang indibidwal.
Ang reklamo ay isinampa ng mga nagpakilalang sina alyas “Robert” at “Roland.”
Base sa ulat ng DZRH, sa kanilang salaysay, sinabi nilang nakatanggap umano sila ng mensahe noong Abril 7, 2025, hinggil sa pamamahagi ng ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng programang AKAP o Ayuda sa Kapos ang Kita Program.
Ayon sa mensahe, gaganapin ang pamimigay sa isang covered court sa kanilang barangay.
Ngunit nang dumating umano sila sa lugar, hindi sila napabilang sa mga nabigyan ng ayuda.
Anila, isa sa mga batayan ng pamimigay ay kung sila ay kabilang sa “Warriors,” na iniuugnay umano sa grupo ng mga tagasuporta ni Rep. Vargas. Dahil sa kanilang sagot, hindi raw sila nabigyan ng tulong.
Ipinasa rin ng mga nagreklamo sa mga awtoridad ang isang video na umano’y nagpapakita ng aktwal na pamimigay ng halagang P3,000 sa mga dumalo.
Ayon naman sa hiwalay na ulat sa Teleradyo Serbisyo, may kuha rin ng video na tumutukoy sa nasabing aktibidad.
Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Rep. PM Vargas hinggil sa inihaing reklamo. Santi Celario