MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Quezon City Police District (QCPD) sa publiko hinggil sa panganib ng pagpasok sa mga drainage system, kasunod ng kumalat na video ng dalawang lalaki sa loob ng manhole sa kahabaan ng EDSA.
Ayon sa pahayag ng QCPD nitong Sabado, Hunyo 21, naganap ang insidente malapit sa Trinoma Landmark bandang alas-2 ng hapon noong Hunyo 16.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na inupahan ng isang kapitbahay ang dalawang lalaki upang ayusin ang sirang hose ng tubig na nasa ilalim ng drainage sa lugar.
Habang ginagawa nila ang pagkukumpuni, biglang bumuhos ang ulan dahilan upang mabilis na tumaas ang tubig sa loob ng drainage.
“Upang maiwasang ma-trap, naghanap ng alternatibong daan palabas ang dalawa at nakita ang isang maliit na butas sa drainage. Doon sila humingi ng tulong, na siyang nakuhanan sa viral na video,” ayon sa pulisya.
Pinayuhan ng QCPD ang publiko na makipag-ugnayan muna sa lokal na awtoridad bago magsagawa ng anumang gawain sa ilalim ng lupa na maaaring magdulot ng panganib, lalo na ngayong tag-ulan. RNT/JGC