MANILA, Philippines – Inihayag ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Sabado, Mayo 11 na naghain ito ng criminal complaint laban sa mga opisyal ng transport group na Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon o Manibela dahil sa kanilang protest action noong Mayo 6 laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program ng pamahalaan.
Ang reklamo ng QCPD ay inihain laban kay Manibela chairperson Mar Valbuena at dalawa iba pa.
Sa reklamo, sinabi ng QCPD na nagdulot ng “grave public inconvenience and disturbance” sina Valbuena at dalawa iba pa sa pagsasagawa ng kilos-protesta sa labas ng Batasang Pambansa nang walang permit mula sa local government unit.
Paglabag ito sa Batas Pambansa No. 880 o Public Assembly Act of 1985, ayon sa QCPD.
Kabilang din sa mga reklamong inihain ng QCPD laban sa Manibela ay ang paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code o alarm and scandal, at Article 151 ng Revised Penal Code o resistance and disobedience.
Kaparehong mga reklamo rin ang inihain ng QCPD laban sa Manibela noong nakaraang taon sa umano’y “disruptive behavior” ng mga ito sa dalawang araw na strike na isinagawa noong Abril sa Welcome Rotonda, Quezon City.
Wala pang komento si Valbuena kaugnay nito. RNT/JGC