MANILA, Philippines- Binatikos ni Senator Christopher “Bong” Go ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at tinawag niya itong iresponsable sa ginawang pagdadawit sa kanyang pangalan sa isang House Quad-Committee (QuadComm) inquiry sa POGO at iligal na droga.
Sa pagsisiyasat ng Kamara, isinama ng PDEA ang pangalan ng senador sa isang matrix na nag-uugnay sa mga opisyal ng publiko sa mga umano’y drug personalities.
Mariing itinanggi ni Go ang anumang koneksyon at sinabing kasinungalingan ang mga akusasyon na walang basehan, malisyoso, at nakagagambala sa mas mahahalagang isyu tulad ng serbisyo publiko at pamamahala.
“Galit po kami sa droga. Galit po kami sa mga drug lords,” deklara ni Go sa isang panayam.
“Rehashed na naman po ito. Napakairesponsable naman po ng PDEA sa kanilang ihahayag sa mga hearing, nagiging malicious po ito, illogical attempt to establish guilt by association,” aniya.
Ang pangalan ni Go ay isinama sa matrix ng PDEA bilang kakilala ng isang Allan Lim na sangkot umano sa iligal na droga.
“Ako ‘yung taong namamansin po ng lahat. Ngayon uso yung picture taking, kahit sino na lang nagpapa-picture, (halimbawa) nakakasama mo sa isang dinner. Hindi mo naman matanong kung sino sila. Alangan namang isa-isa mong tanungin,” sabi ng senador.
Tinawag ni Go ang akusasyon na isang pampulitika, partikular sa panahong ito na malapit na ang halalan.
Sa nasabing pagdinig ng House Quad-Committee, kinuwestiyon din ng mga mambabatas ang PDEA sa pagdadawit kay Go sa matrix.
Binatikos ng mga mambabatas si PDEA Deputy Director General Renato Gumban dahil sa walang basehang akusasyon na ito.
Hinamon ni Manila Representative Bienvenido Abante ang PDEA kung bakit pinangalanan si Go sa matrix gayong walang direktang ebidensya na nag-uugnay sa kanya sa operasyon ng iligal na droga. “Mali kung isama mo ang isang taong hindi kasali sa mga sinasabing krimen. Huwag tayong magkakamali because we don’t want to accuse a wrong person,” ang galit na sabi ni Abante sa PDEA.
Binigyang-diin naman ni Rep. Ace Barbers, chairperson ng inquiry, ang kahalagahan ng maingat at evidence-based na imbestigasyon.
Nagbabala siya laban sa mga panganib ng pagdadawit ng mga indibidwal na walang malaking patunay at binanggit ang potensyal na pinsala sa mga reputasyon na dulot ng walang batayang akusasyon.
Samantala, hinimok ni Go ang mga ahensya ng gobyerno tulad ng PDEA na tiyakin ang kredibilidad ng kanilang mga ulat.
“Dapat po ay magiging responsable po ang lahat, lalo na po ang mga nasa gobyerno, sa kanilang magiging report. Hindi naman yata tama na isa sa pagbabasehan nila ay report mula sa hindi naman credible witness. Hindi ko alam bakit galit na galit sa amin at pinag-iinitan kami nyan,” sabi ni Go. RNT